(Part 29)
“LUPA ang magandang puhunan; ‘di mananakaw; matatag na kayamanan.” ‘Pag may lupa ka, marami kang puwedeng gawin. Maraming puwedeng itayong negosyo. Dahil paubos na nang paubos ang lupa, ang may lupa ang siyang magiging talagang mayaman sa kinabukasan. Kaya huwag ninyong ipagbili ang lupa ninyo. Dapat nga ay bumili pa ng lupa. Sa ngayon, sa probinsya ang mga murang lupa. Sa Maynila, halos imposible nang makabili ng lupa. Milyon-milyon o bilyong piso ang kailangan mo para makabili ng lupa sa Maynila. Sa probinsiya, makabibili ka pa ng ekta-ektaryang lupa.
Bukod sa lupa, ano pa ang magandang paglagyan ng ating ipon? Family business ang maganda. Sana ay mayroon kayong negosyong pagkakaisahan at pagtutulung-tulungan ng inyong buong pamilya. Magkaroon kayo ng teamwork. Dapat ay may ‘division of labor’ (toka-tokang trabaho) kayo. Ang family business ay puwedeng maging dahilan ng inyong pagkakaisa at pagmamahalan. Marami ang benepisyo kapag mayroon kayong family business. Unang-una, mas mabilis magpayaman ang negosyo kaysa sa pamamasukan lamang. Kapag empleyado ka, fixed salary ka lang, kaya bihira ang yumaman sa pagiging manggagawa lang. Kung may negosyo ka, walang limitasyon ang maaaring kitain mo; depende ito sa iyong sipag at tiyaga. ‘Pag mas marami kang customer na paglilingkuran, mas marami ang kita mo. Kung mas maraming oras kang magtrabaho, mas malaki ang kita. Klarong-klaro sa negosyo: kung ano ang itinanim, siyang aanihin.
Kung may family business kayo, puwede itong ipamana sa inyong mga anak at apo ‘pag tumanda na kayo. Ang saling-lahi ninyo ay maaaring maging lahi ng negosyante. Hindi kailangang maghanap ng trabaho ang mga anak niyo dahil pagkagradweyt nila sa kolehiyo, puwede silang tumulong sa inyong family business.
Ang negosyo ay hindi dapat pinapatay; ito ay ipinamamana. Minsan, may nakilala akong mag-asawang Filipinong may malakas na carinderia. Tinanong ko sila kung sino sa mga anak nila ang may planong magmana sa kanilang malakas na negosyo. Ang sagot nila sa akin, “Pagtanda naming mag-asawa, isasara na namin itong carinderia namin. Tapos na naman sa kolehiyo ang lahat naming mga anak.” Tinanong ko sila kung bakit hindi nila sinanay ang sinuman sa kanilang mga anak na magpapatuloy ng kanilang family business. Ang sagot nila sa akin, “Hindi naman namin pinag-aral sila para magpatakbo nitong aming carinderia. Pinag-aral namin sila para may mahanap silang magandang employment.”
Bakit ganito mag-isip tayong mga Filipino? Bakit pinapatay natin ang ating negosyo samantalang malaking pagpapala ito ng Diyos sa atin. Dito tayo natatalo ng mga Chino. ‘Pag sila ay magtatayo ng negosyo, sinasanay nila ang kanilang mga anak at apo na magpatuloy ng kanilang negosyo. Kaya sila nagiging mga lahi ng negosyante. Sila ang mga yumayaman sa ating bansa. Mayroon silang magandang kasabihan, “Isang saling-lahi ang nagtatanim ng punong-kahoy, na sa ilalim ng lilim nito, doon magpapahinga ang kanilang susunod na saling-lahi.” Ang tingin ng mga Chinese, negosyo ang kayamanang dapat nilang ipamana. Ang pera ay madaling maubos; ang negosyo ay pangmatagalan. Kung ang ipamamana mo sa mga anak mo ay pera, madaling mauubos ito. Kung negosyo ang ipamamana mo, may pangmatagalang kita ang mga anak mo. Ang mga negosyo ng mga magagaling na tao tulad nina Ayala, Henry Sy, Gokongwei, Manny Villar, Lucio Tan, atbp. ay palaki nang palaki hanggang maging mga dambuhalang multinational business empire na sila. Ito ay dahil ipinamamana nila ang negosyo nila at sinasanay nila ang mga anak nilang magpatuloy ng negosyo. Samantala, ang mga karaniwang Filipinong negosyante ay pinapatay ang negosyo ‘pag nagtapos na ng kolehiyo ang mga anak nila.
Mula ngayon, magtayo tayo ng family business. Sanayin ang lahat ng mga anak nating magpatakbo nito. Turuan silang magkaroon ng malasakit at katapatan sa ating sinimulang negosyo. Iukit sa isip nila na ang negosyo ninyo ay palalakihin, at ipagpapatuloy nila at ng kanilang mga anak. Dapat nga sana ay magtayo pa kayo ng maraming sangay ng inyong negosyo. Gayahin niyo ang ginagawa ng Jollibee. Pinaganda nila ang tindahan nila, nag-imbento ng logo at mascot, ginawang perpekto ang pangangasiwa nito, at pagkatapos ay nagtayo sila ng maraming mga sangay. Ngayon, sa buong Filipinas at maraming mga lungsod sa mundo ay mayroon nang sangay ng Jollibee. Ito ay isa sa pinakamatagumpay na negosyong Filipino. Ganito dapat ang gagawin niyo sa inyong family business.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.