(Part 30)
ANG YUMAYAMAN ay maraming puhunan, kaunti ang gastos. Ang humihirap ay puro gastos, walang puhu-nan. Kaya para yumaman, huwag mong gastusin ang lahat ng iyong kita. Dapat mayroon kang iniipon; at ang ipon mo ay dapat ilalagay mo sa mga ligtas at matatalinong puhunan. Natalakay ko na ang pin-akamagandang puhunan ay lupa at family business. Ang pangatlong napakagandang puhunan ay mas mataas na edukasyon. Habang bata pa, at habang kaya pa, aral lang nang aral. Hindi mapipigilan ang pag-tanda natin, at habang nagkakaedad tayo, paliit nang paliit ang kakayahan nating kumita. Ang taong may mas marami at mataas na edukasyon ay may mas malaking kakayahang kumita.
Kung hindi ka tapos ng high school, sana layunin mong magtapos nito. Hindi naman kailangang bumalik ka sa pormal na paaralan. May programa ngayon ang gobyerno na ang tawag ay Alternative Learning System o ALS. Pumunta ka lamang sa Department of Education at mag-aplay ka sa ALS program nila. Susuriin nila ang kaalaman at kakayahan mo at puwede ka nilang bigyan ng high school diploma kung marami ka nang kara-nasang trabaho at tinapos na mga pagsasanay na katumbas ng high school. Iba na ang nakapag-aral; hindi maaagaw ang iyong dangal.
Kung kaya mo pa, sana ay magtapos ka ng kolehiyo. Sa Filipinas, ang minimum (o pinakamaliit) na edukasyon para masabing “may pinag-aralan” ka ay ang college diploma. Sa kultura natin, ang pinakaminimum na obligasyon ng mga magulang ay magbigay ng college education sa kanilang mga anak. Anumang aral na mas mataas pa sa kolehiyo ay hindi na responsibilidad ng mga magulang. Kung gusto mong makatipid sa matrikula, puwede ka namang mag-aplay sa State Universities and Colleges tulad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), Polytechnic University of the Philippines (PUP) at iba pa. Kailangan kang kumuha ng competitive entrance exam. Kung pumasa ka, makatatanggap ka ng mataas na uri ng pag-aaral sa mas mababang halaga kaysa sa mga private school. Kung may kaya ang pamilya mo, puwede kang mag-aral sa mga mataas na uri ng paaralang pribado tulad ng Ateneo, La Salle, University of Sto. Tomas, at iba pa. Kung kaya mo pa, pagkatapos ng kole-hiyo, puwede kapang kumuha ng Master’s degree at Doctorate degree. Kung gusto mong maging guro sa mga paaralan, ang hinahanap nila ngayon ay iyong may doctorate degree. Ito marahil ang pinakamataas na antas ng pormal na edukasyon.
‘Pag mataas ang pinag-aralan mo, malamang na ang mga anak mo ay maging matatalino. May salawikaing Chino na ang sabi, “Kung hindi mo bubungkalin ang iyong lupa, magiging walang laman ang iyong kamalig; kung hindi mo babasahin ang iyong mga libro, magiging mangmang ang iyong mga anak.” Ang ibig sabihin nito: Kapag may pinag-aralan ang mga magulang, malamang na maging matatalino ang mga anak. Kung walang pinag-aralan ang mga magulang, malamang na maging ignorante ang mga anak. ‘Pag mangmang ang isang tao, madali silang maloko ng kapwa tao. May kasabihan ang mga Amerikano: “A fool and his money are soon part-ed.” (Ang hangal at ang kanyang pera ay madaling maghihiwalay). Ang ibig sabihin nito: Kapag ignorante ang isang tao, madali siyang utuin. Madali siyang malinlang ng mga manlolokong tao at maaagaw ang pera niya. Kaya dapat ay mag-aral tayo at maging mapagbantay.
Ang pag-aaral ay hindi naman sa pamamagitan lang ng pormal na edukasyon tulad ng high school o kole-hiyo. Puwede ka ring matuto sa pamamagitan ng mga pagsasanay o training programs na ibinibigay ng maraming ahensiya ng gobyerno o ng non-government organizations (NGOs). Ang gobyerno natin ay mayroong ahensiya na ang pangalan ay Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Nagbibigay ito ng libreng pagsasanay sa samu’t saring kakayahan tulad ng pagnenegosyo, bookkeeping, computer programming, welding, restaurant management, at marami pang iba. Sa daming tulong at programa ng gobyerno, wala na talagang dahilan pa-ra manatiling mahirap ang isang Filipino. Ang tanging dahilan na lang talaga ay katamaran. Wala dapat maghihirap kung gagamit-an ng pagsisikap.
Kung ayaw mo ng pormal na edukasyon tulad ng mga paaralan, at kung ayaw mo rin ng impormal na edukasyon tulad ng TESDA, puwede kang matuto sa pamamagitan ng self-study. Bumili ka ng magagandang libro at magbasa ka nang magbasa. Kung wala kang pera, pumunta ka na lang sa mga public library at makababasa ka ng mga libro nang libre. Puwede ka ring pumunta sa National Library sa Luneta, at makakabasa ka roon ng halos lahat ng librong nalimbag sa mundo. Puwede ka ring pumunta sa Project Gutenberg sa internet at makababasa ka roon ng mga classic book. Puwede ka ring matuto sa pamamagitan ng pag-interbyu o pagmamasid sa mga ginagawa ng mga eksperto.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.