(Part 31)
“ANG MGA anak ng matuwid ang siyang magiging dakila ng lupa.” (Tingnan sa Awit 112:1-2). Bakit yayaman ang mga anak ng mga matuwid na tao? Dahil wasto ang mga kapasiyahan ng mga matutuwid. Bakit wasto ang kanilang kapasiyahan? Dahil mayroon silang karunungang nagmumula sa Diyos. Kung may takot ka sa Diyos, hindi ka mag-iisip at gagawa ng masama. Lagi mong pipiliin ang daang tama at magbubunga ito ng mabuting kahihinatnan.
Isa sa gawain ng mga matutuwid na tao ay ang pag-iiwan ng pamana sa kanilang saling-lahi. Tunay na pinagpala ang mga anak ng matuwid. Su-musunod sa utos ng Diyos ang mga matutuwid na tao. Isa sa turo ng Diyos ay ito: “Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan.” (Kawikaan 13:22). Pagpapala talaga ang mabuting tao sa kanyang mga mahal sa buhay. Samantala, ang mga hangal ay inuubos ang lahat-lahat. Wala silang itinitira para sa kanilang saling-lahi. Ang ipinamamana ng mga hangal ay utang at kahirapan.
Lahat ng mga matuwid na tao na nakasulat sa Banal na Kasulatan ay nag-iiwan ng pamana sa kanilang mga anak. Si Abraham ay nag-iwan ng ma-yamang pamana sa anak niyang si Isaac. Si Isaac ay nag-iwan ng pamana sa kanyang anak na si Jacob. Si Jacob ay nag-iwan ng pamana sa kanyang mga anak. Ang lahat ng nananampalataya kay Jesu-Cristo ay tagapagmana rin ni Abraham. “At kung kayo’y kay Cristo, kayo’y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.” (Galacia 3:29)
Kung matuwid na tao ka, gagayahin mo ang halimbawa ng Biblia: mag-iiwan ka ng pamana para sa iyong saling-lahi. Dapat maging masipag na tao ka. Dapat magaling kang kumita ng malinis na pera. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagnenegosyo. Huwag mong gagastusin ang lahat ng iyong kita. Maging matipid ka. Mag-ipon ka. Ilagay mo sa mga ligtas at matatalinong puhunan ang mga ipon mo. Maging mapagbigay ka sa Diyos at sa mga taong nangangailangan para lalo kang pagpalain. Mag-enjoy ka rin sa buhay. Tipirin mo ang pera mo subalit mag-turismo kang kasama ng asawa mo sa iba’t ibang magagandang lugar sa Filipinas at sa mundo. Kapag matanda ka na, tiyakin mong mayroon kang mga bahay at kayamanang maipamamana sa iyong mga anak at apo.
Ano-ano ang mga magagandang pamana? May nakikita akong pitong magagandang pamana. Una, kaligtasan. Pangalawa, Maka-Diyos na mga magulang. Pangatlo, karunungan. Pang-apat, edukasyon. Panlima, hanapbuhay. Pang-anim, mabuting asawa. At pampito, mga bahay at kayamanan.
Ang una ay ang kaligtasan ng iyong mga anak. Aanhin ng mga anak mo ang maraming kayamanan sa lupa kung mapapariwara naman sa impiyerno ang kanilang kaluluwa? Ang sabi nga ni Jesus, “Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapa-hamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay?” (Mateo 16:26). Kaya, dapat tiyakin ng bawat magulang na siya ay ligtas at tiyakin niyang ang mga anak niya ay ligtas din. Paano maliligtas ang isang tao? “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at malilig-tas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” (Gawa 16:31)
Ang pangalawang magandang pamana ay ang maging maka-Diyos na ama at ina. Ang sabi ng Biblia, “Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang, at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan. Ang kanyang lipi’y magiging dakila, pati mga angkan ay may pagpapala. Magiging sagana sa kanyang tahanan, pagpapala niya’y walang katapusan.” (Awit 112:1-3) Dapat maging mabuting halimbawa ang mga magulang sa kanilang mga anak.
Ang pangatlong magandang pamana ay karunungan. “Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.” (Kawikaan 16:16) Kung pamamanahan mo ng kayamanan ang mga anak mo subalit wala naman silang karunungan, mawawala agad ang kayamanang ipamamana mo. Sayang lahat nang pinagpaguran mo kung hangal naman ang mga anak mo. May kilala akong mga magulang na nagpamana ng sangkatutak na kayamanan sa kanilang mga anak. Subalit marami sa mga anak nila ay hangal. Hindi nagtapos ng pag-aaral dahil sa katamaran, mahilig sa barkada, at gumagamit pa ng droga. Ilang taon lamang matapos mamatay ang mga magulang, naubos lahat-lahat ang mga milyon-milyong pinamana sa kanilang mga anak. Ngayon mahirap pa sa daga ang mga hangal na bata. Itutuloy ko ang paksa na ito sa susunod kong kolum.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.