FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 32)

“ANG taong matuwid ay nag-iiwan ng mga pamana sa kanyang saling-lahi.” (Kawikaan 10:22) Kaya maaaring maging dakila ng bayan ang mga anak ng mga matuwid.  Samantala, ang lahi ng mga masasamang  tao ay may panga­nib na maging ‘salot ng lipunan’ kung hindi maaagapan.  Maaaring maging ahente ng krimen ang lahi ng masama dahil puro sama ng  loob ang nasa puso.  “Ang ibinabait ng palaking bata, nasa magulang na nag-aalaga.”

Para sa akin, may pitong pinakamagandang pamana para  sa ating mga anak.  Ang mga ito ay ang kaligtasan ng kanilang kaluluwa, pagkakaroon ng maka-Diyos na magulang, karunungan, edukasyon, hanapbuhay, mabuting asawa, at mga bahay at ka­yamanan.  Ang pitong pamanang ito ay nakasaad sa Salita ng Diyos.  Ito ang itinuturo ng Maykapal na dapat ay ginagawa ng mga mabubuting tao sa kanilang saling-lahi.

Naipaliwanag ko na ang ibig sabihin ng unang tatlo sa nakaraan kong kolum.  Sa kasalukuyang kolum, tatalakayin ko naman ang edukasyon bilang pamana.  Ang pang-apat na magandang pamana ay mataas na edukasyon.  Ang nakalulungkot ay may ilang Filipino, kahit na elementary education ay hindi kayang maibigay sa kanilang mga anak. Nakabubuwisit ang mga taong ito – anak nang anak, hindi naman kayang pag-aralin o pakainin.  Nagiging kawawang palaboy-laboy ang mga anak nila, sisinghot-singhot ng rugby para mapigil ang pagkakalam ng sikmura; at kung minsan ay nanghahablot  ng gamit ng mga inosenteng tao. Minsan ay natrapik ako, nakapara iyong bus sa bandang kanan ko. Walang ano-ano, may mga batang hamog ang duma­ting, ang ilan ay mga binata na. Walang kaabog-abog, hinab­lot ng isang binata iyong bag ng isang kawawang binibini; at biglang kumaripas ng takbo iyong mga bata na tatawa-tawa pa.  Sumigaw iyong bi­nibini, subalit walang magawa ang sinuman. Galit na galit ako sa napagmasdan ko.  Ano na ang nangyayari  sa lipunang Filipino?  Nagiging chaotic (magulo) ang lipunan natin dahil sa pagdami ng lahi ng mga mangmang.

Minsan, tagapagsalita ako sa isang conference sa Cebu.  Ang paksa ko ay pinansiyal na kalayaan.  Sinabi kong hindi  maganda ang ugaling palautang dahil magdudulot ito ng mas masahol na karalitaan.  May piloso-pong tao sa audience.  Gusto niyang mamilosopo, akala niya ay cute siya.  Sinabi niya, “E, paano kung marami ang mga anak, paanong hindi uutang?  Tulad ko, 10 ang anak ko.”  Sinabi ko sa kanya, “Bakit naman po nagparami kayo ng mga anak, e hindi ninyo naman pala kayang  pakainin sila.”  Sumagot ang pilosopo na tatawa–tawa pa, “E kasi ini­utos ng Diyos na magparami kayo. Sinusunod ko lang ang utos ng Diyos.  Hehehe!” Sumagot ako sa kanya nang nakangiti, “Sir, e bakit naman iyan lang ang utos na sinusunod ninyo.  E, paano po iyong utos na nagsasaad na: ‘Ang sinumang hindi kumakalinga  sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga  kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang ‘di mana­nampalataya.’ (1 Ti­mothy 5:8)  Utos din po ng Diyos na dapat umaaruga tayo nang mabuti sa atingmga anak.” Tumahimik na siya mula noon.  Nagulat siya na mayroon palang ganoong kautusan ang Diyos. Iyan po ang problema – may ilang mga Filipino na parang hangal, hindi makapagkontrol ng kanilang sexual  na pagnanasa, at bahala na kung maging palaboy-laboy ang mga supling nila dahil hindi maaruga  at hindi mapag-aral ng mga magulang.

Tungkulin ng mga magulang ang magpaaral ng mga anak. Sa Filipinas, ang minimum na edukasyon na inaasahang ibigay ng mga magulang ay college education.  Ang Master’s degree o mas mataas pa ay hindi na tungkulin ng mga magulang.  Sa ating bansa, hindi ka pa maituturing na hustong ‘edukado’ kung wala kang college edu­cation.  Sa nga­yon, kung elementary o high school graduate ka lang, laborer, janitor o waiter lang ang puwede mong maging trabaho.  Kaya dapat, isa sa mga pamana ng mga magulang na Filipino ay college education.  Kung hindi ninyo kayang mabigyan ng college education ang inyong  mga anak, e huwag kayong mag-anak nang mag-anak.  Kaunting  common sense lang.  Kaun­ting  pag-iisip naman.  Kaunting talino naman.

Habang malakas at bata pa ang mga magulang, dapat ay masipag silang magtrabaho, kumikita nang ma-husay, at dapat ay nag-iipon sila bilang paghahanda para sa edukasyon ng mga anak nila paglaki ng mga ito.  Pinagpaplanuhan po ang paglaki ng ating mga anak. Dapat magbigay tayo ng pananamit, pagkain, edukasyon atbp sa paglaki nila.  ‘Pag tapos na sila ng kolehiyo (at lalo na kapag may trabaho na at nag-asawa na) tapos na ang responsibilidad natin sa kanila.  Angnatitira na lang nating tungkulin ay maging mabubuting  tagapayo o adviser o mentor nila.

Tandaan: Sa­kakasingko-singko, nakakapiso; sakakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.