FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 33)

“BIGYAN mo ang tao ng isda, tinulungan mo siya ng isang araw; turuan mo siyang ­mangisda, tinulungan mo siya habambuhay.”  Ang pitong pinakamagandang pamana para sa mga anak ay ang mga sumusunod: Kaligtasan, maka-Diyos na magulang, karunungan, edukasyon, han-apbuhay, mabuting asawa, at mga bahay at kayamanan.

Tatalakayin ko sa kolum na ito ang ha­napbuhay.  Pinag-aaral natin ang ­ating mga anak pa-ra magkaroon sila ng matatag na hanapbuhay ba­lang araw. Ang ha­napbuhay ay dalawa: maaaring pamamasukan sa isang opisina o kaya ay pagtatayo ng sariling negosyo.  Malaking pagpapala kung makahahanap sila ng malaki at matatag na kompanya kung saan maaaring tu-manggap sila ng malaking suweldo.  Kung marunong silang mangasiwa ng pera, maaaring magka-roon sila ng sarili nilang bahay at lupa.  Maaari na silang magtayo ng sariling pamilya. Iyon nga lang, kadalasan mahirap yumaman sa pamamasukan dahil fixed salary lang ang tatanggapin nila.  Kahit gaano ang sipag ng isang tao, hindi naman ganoon kabilis ang pagtaas ng kita niya.  Kung negosyo naman ang itatayo nila, maganda ito dahil ang kita nila ay nakadepende sa sipag at tiyaga nila.  Kung masipag silang maglingkod sa maraming customer, mas malaki ang kita nila.  Sa negosyo, lahat ng tubo (profit) ay sa may-ari napupunta.  Nagbibigay lang ang may-ari ng fixed sa­lary sa kanyang mga manggagawa.

Sa panahon nga­yon, dahil sa taas ng inflation rate (pagliit ng halaga ng pera), pahirap na nang pahirap magpayaman ang suweldo. Ang halaga ng perang ibinabayad sa isang empleyado sa buwan ng Enero ay mas mababa na sa buwan ng Disyembre.  Iyan ang inflation rate; para itong anay na kumakain sa halaga ng kita natin.

Sa negosyo, hindi ganoon kadali mag-isip ng ideya kung anong negosyo ang papasukan.  Ang dami nang naunang magnegosyo.  Makiki­pagkompetensiya ang mga anak mo sa mga matagal nang nagpapatakbo.  Pangalawa, kailangan nila ng ca­pital bilang panimula ng negosyo.  Ma-ganda kung may malaking ipon sila.  Madalas ay wala, kaya uutang sila sa bangko o sa kamag-anak. Dapat bayaran nila ito nang may patong na interes. Hindi naman 100% siguradong mag-tatagumpay ang anumang ne­gosyo.  Kung hindi nila mababayaran ang utang, hahabulin sila ng bangko at magkakaroon sila ng mala­king balisa.

Para magkaroon ng trabaho, kailangan ng mataas na pinag-aralan at maraming kakilala.  Pa-ra magkanegosyo, kailangan ng capital at tamang ideya sa negosyo.  Kaya ang shortcut sana pa-ra magkahanapbuhay ang mga anak ay kung may magandang hanapbuhay ang mga magulang na maaari nilang ipasa sa kanilang mga anak balang araw.  May kakilala akong ahensiya ng gob­yerno na kapag magreretiro na ang empleyado, puwedeng pumalit ang isang anak niya kapag kuwalipikado ito para sa posisyon. Kung ganito, parang ipamamana ng magulang ang puwesto niya sa opisina sa kanyang anak.  Kung may maunlad na negosyo ang magulang, ‘pag matanda na sila at gusto nang magpahinga, puwede nilang ipasa ang negosyo nila sa kanilang mga anak; maaaring sila na kaagad ang may-ari at manager nito.  Kung gagawin mo ito, makaiiwas sa ma-la­king pasakit ang iyong mga anak.  Hindi nila kailangan ng malaking capital dahil nakatayo na ang negosyo. Hindi kailangan ng mara­ming kakilalang malalaking tao at hindi nila kailangang magpaganda ng biodata para mapahanga ang opisinang papasukan nila.

May kasabihang Chino, “A carpenter’s son knows how to saw, a duckling how to swim.”  (Sa wikang Filipino, “Ang anak ng karpintero ay marunong maglagare, ang batang bibe ay marunong luma­ngoy.”)  Ang ibig sabihin nito, dahil sa mulat na ang mga anak sa trabaho o hanapbuhay ng mga magulang, at malamang na habang lumalaki sila, pinatutulong sila ng mga magulang sa family business, nalipat na ang kakayahan ng mga magulang sa kanilang mga anak.  Kung gugustuhin nila, maaaring sila na ang magpatuloy ng hanapbuhay ng mga magulang nila.  Nasa Bibliya ang kaugaliang ito.  Sa tuntunin ng Diyos, ang anak ng hari ay pumapalit sa hari, ang anak ng pari ay pumapalit na pari, ang mang-aawit sa templo ay pumapalit na mang-aawit, ang anak ng panday ay pumapalit na panday, atbp. Magandang kaugalian ito dahil paga­ling nang pagaling ang mga naghahandog ng serbisyo sa lipunan. Nagiging mga eksperto o dalubhasa ang mga naghahanap-buhay.  Talagang dapat ipasa ang kakayahan ng mga magulang sa anak.  Sa ganang akin, mayroon akong negosyo – isang training center.  Isinasama ko ang mga anak ko sa aking mga programa, binibigyan ko sila ng mga assignment, at sinusuwelduhan ko sila, kaya marunong na ang mga anak ko patakbuhin ang aking ne­gosyo.  Gusto ko sana, ipagpatuloy nila ang negosyo ko kahit wala na ako. Isa ito sa mga pamana ko sa kanila.

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.