FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 35: Bahay at Kayamanan)

“NAMAMANA sa magulang ang bahay at kayamanan, ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabu­ting maybahay.” (Kawikaan 19:14) Ang pitong pinakamagandang pamana para sa mga anak ay ang mga sumusunod: Kaligtasan, maka-Diyos na magulang, karunun-gan, edukasyon, hanapbuhay, mabuting asawa, at mga bahay at kayamanan.

Tapos ko nang talakayin ang unang anim.  Ngayon, tatalakayin ko sa kolum na ito ang huli – mga bahay at kayamanan.  Nang mag-aral ako sa The Netherlands noong 1986, nagkaroon ako ng landlord na Bumbay, Mr. Ramdaras ang pangalan.  Humanga ako sa kanya kasi trabaho siya nang trabaho at ipon siya nang ipon.  Pinag-aral niya sa pinakamagaling na uni­bersidad ang mga anak niya.  Pagka-graduate ng isa, nakipag-usap siya sa kanyang best friend na Bumbay rin na may mala-prinsesa sa gandang anak na dalaga na tapos din sa kolehiyo.

Ipinagkasundo nila ang dalawa nilang anak.  Inimbitahan kaming mga tenant niyang Filipino sa handaan ng kasal.  Kasama sila sa isang napakalaki at nagkakaisang komunidad ng mga Bumbay sa Netherlands.  Ang saya-saya ng kanilang handaan.  Pagkatapos, napag-alaman naming bumili si Mr. Ramdaras para sa kanyang anak na lalaki ng isang apartment, at doon titira ang bagong kasal.  Nang mapagmasdan ko ang mga ginawa ni Mr. Ramdaras, humanga ako sa kanyang karunu­ngan, at naalaala ko rin ang turo ng Bibliya na kasama sa ipinamamana ng mga mabubuting magulang sa kanilang mga anak ay bahay at kayamanan.

Ang pinagtatakahan ko lang ay kung bakit hindi ginagawa ng mga Kristiyano at mga Filipino ang gawaing ganito samantalang katuruan ito ng Banal na Kasulatan.  Akala ko ba maka-Diyos ang mga Filipino.  Akala ko ba Kristiyanong bansa ang Filipinas. ‘Di ba tayo ang tinatawag na “Only Christian nation in Asia”?  E, bakit hindi natin sinusunod ang turo ng Diyos sa Kanyang aklat?  Ang mga Filipino ay maraming palusot.  Isa sa salawikain natin ay ito ang sinasaad, “Hindi man magmana ng ari, magmamana naman ng ugali.”  Oo, gusto kong magmana ng magandang ugali mula sa mga magulang ko, pero sana naman ay mayroon ding pamanang bahay at lupa.  Ang problema ay marami sa mga magulang na Filipino ay wala na ngang pamanang ari-arian, wala ring pamanang magandang ugali.  Dahil ang ilang magulang na Filipino ay lasenggero, pala-sigarilyo, babaero, sugalero, atbp., wala talagang ipamamana kundi kahirapan.  May kilala akong mabisyong ama na kapag lasing, laging pinagagalitan ang kanyang mga anak,

“Huwag kayong gagaya sa paninigarilyo at pag-iinom ko!  Mag-aral kayo!  Tingnan ninyo ako, mababa lang ang pinag-aralan!”  Tingnan ninyo ang pagka-hipokrito ng amang iyon.  Sabi nga ng asawa kong Bisaya, “Puro kasaba!”  Puro pagalit, wala namang mabuting halimbawa.  Si­yempre, action speaks louder than words.  Mas malakas makaimpluwensiya ng aksiyon kaysa salita.  Kaya tuloy, kahit ano ang kasaba o pagalit niya, gumaya pa rin sa bisyo niya ang ilang mga anak niya.

Pinupuri ko ang Panginoon sa pagkakabigay Niya sa akin ng mga matatalino at masisipag na magulang.  Bago mamatay ang tatay ko, bumili siya ng kalaha­ting ektaryang lupa sa Lipa, Batangas na ginawa niyang mini-subdivision.  Bawat isa sa aming 13 magkakapatid ay binigyan niya ng lote.  Pagkatapos, ang kanyang negosyo ay ginawa niyang isang korporasyon, at bawat isa sa aming magkakapatid ay binigyan niya ng tig-paparehong parte.  Inorganisa niya kaming isang Board of Stockholders.  Sa katapusan ng taon, ang bawat isa sa amin ay tumatanggap ng dibidendo na pantulong sa aming kabuhayan.

Toka-toka, ang bawat isa ay puwedeng tu­manggap ng pinansiyal na tulong para magpatayo ng bahay sa loteng ibinigay ng mga magulang ko.  Talagang ipinagmamalaki ko ang aking mga magulang.  Sila ang halimbawa ng matatalinong magulang na talagang nagmamahal at nagmamalasakit sa kinabukasan ng kanilang mga anak.  Noong bagong kasal pa lang sila, walang-wala sila.  Ang ikinabubuhay lang nila ay ang pananahi ng nanay ko.  Nagtayo sila ng negosyong dress shop na ang pangalan ay Fanny’s Modes and Dress Shop.  Nagtuturo lang noon sa Feati University ang tatay ko.  Dahil sa sipag, tiyaga at pagtitipid, nakapagtayo ng real estate business ang tatay ko noong 1966.  Ito ang negosyong ipinamana niya sa aming magkaka-patid.  Ang turo pa niya sa amin, “Huwag niyong ibebenta ang anumang ari-arian natin.  Kung na­liliitan kayo sa dibidendo, palakihin pa ninyo ang ne-gosyo.  Huwag ninyong papatayin ang gansa na nangingitlog ng ginto.”  Ito ang payo na sinusunod ko at gusto kong ipairal sa mga anak ko.  Sana gan-ito rin ang gagawin ng bawat Filipino.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.