(Part 36: Ang Tunay na Mayaman)
SINO ang tunay na mayaman? Iyon bang nagmamalaki na may magara siyang bagong kotse, may mala-mansyong tahanan, may maraming pera, mamahalin ang mga damit at punum-puno ng mga alahas ang katawan? Ang sabi ng Bibliya, “May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman, ngunit ang iba’y nag-aayos mahirap bagaman sila ay mayaman.” (Kawikaan 13:7) Ayon sa Salita ng Diyos, ang tunay na mayaman ay hindi nagyayabang. Hindi niya pinag-sasalandakan ang kanyang kayamanan. Ang tunay na mayaman ay simple lamang. Wala siyang dapat patunayan. Maligaya at kontento siya sa kasaganahang ibinigay ng Diyos sa kanya. Ang taong nagyayabang ay madalas na hindi tunay na mayaman. Mga insecure ang mga taong iyon.
Hindi komo may maraming ari-arian ay masasabing mayaman na. Paano kung galing pala iyon sa utang? Paano kung galing pala iyon sa pagnanakaw o panloloko ng kapwa? Ang madaling nakukuha ay madaling nawawala. Kung may utang, hindi mayaman. Dapat niyang bayaran iyon na may patong na interes. May kilala akong taong umutang nang malaki. Nagbuhay mayaman siya. Ang porma niya. Subalit nang siningil na siya ng bangko at hindi pala niya kayang bayaran, nagkanda-krisis-krisis ang buhay niya. Nagtago siya sa mga pinagkakautangan niya. Kinuha ng bangko ang kanyang malaking lupang ginawang kolateral. Balisang-balisa sila ng asawa niya. Tumakas sila papuntang Maynila para magtago sa bangko at para hindi sila makita ng mga kakilala nila dahil hiyang-hiya sila sa mga pangyayari. Nag-away silang mag-asawa hanggang sa tuluyan nang naghiwalay. Nasira ang maganda nilang pagsasama dahil sa utang. Napakaraming kuwentong tulad nito.
Isa pang halimbawa: dating mayaman ang Filipinas. Malakas ang ating ekonomiya. Noong panahon ni Presidente Mar-cos, umutang siya nang umutang sa mga malalaking bangkong pandaigdig tulad ng IMF at World Bank. Marami siyang pinagawang malalaking gusali. Nagmalaki si Marcos na napakagaling niya. Plinano nila ng asawa niyang si Imelda na maging unang royalty ng bansang Filipinas ang kanilang pamilya. Ayaw na nilang bumaba sa puwesto. Pinagyayabang ng kanilang mga kakampi, “Sino ba sa oposisyon ang puwedeng pumalit kay Marocs?” Subalit pagbalik ni Ninoy Aquino sa Filipinas mula sa Amerika, pinatay siya by assassination. Ang pinaghihinalaang may pakana nito ay ang presidente o ang kanyang mga galamay. Nang mamatay si Ninoy, nawalan ng tiwala ang mga namumuhunan sa ating bansa. Nag-alisan sila. Bumagsak ang ekonomya natin. Hindi na kayang bayaran ni President Marcos ang kanyang bilyon-bilyong inutang sa World Bank. Biglang bumulusok ang Filipinas. Lumaganap ang kahirapan. Nalampasan tayo ng maraming mga bansa. Dahil dito, nagalit ang taumbayan sa kanyang pamumuno kaya nagkaroon ng People Power Revolution at pinatalsik si Marcos. Maraming dekada ang lumipas bago nabayaran ang marami nating mga utang, at manumbalik ang lakas ng ekonomiya. Malinaw sa mga kuwento na ito na kapag inutang, hindi talaga kayamanan ang mga ari-arian.
Sa turo ng Bibliya, ang tunay na mayaman ay iyong taong walang utang, lahat ng kanyang pangangailangan ay natutugunan, at nakatutulong sa marami. Samakatuwid, “Ang tunay na mayaman, walang utang, maraming binibigyan.” “‘Pag hindi pa mapagbigay hindi pa mayamang tunay.”
Para maging tunay na mayaman, kailangan ay may matatag kang trabaho o negosyo at kumikita ng pera. Lahat ng gastusin mo ay dapat napupunuan. Kaya magandang ugali iyong kaunti lang ang gusto mong bilhin. Tiyakin mong higit ang kita mo kaysa sa gastos. Dapat may “surplus” o “sobra.” Ang sobrang ito ay puwedeng ipunin, gawing panagot sa mga gastusing hindi inaasahan (emergencies), o ipantulong sa ibang tao. Kung walang dumating na emergency expenses, ang inipon mo ay puwede mong ilagay sa mga ligtas at matatalinong puhunan tulad ng lupa, negosyo, at mas mataas na edukasyon. Ang mga puhunan ay nanganganak ng mas maraming kita. Ang lupa ay puwede mong lagyan ng apartment, town house, o ipaarkila sa mga gas station. Magbabayad sila ng renta na puwedeng umabot sa milyon-milyon kada taon. Kung mas mataas ang edukasyon mo, puwede kang maging guro o consultant sa maraming ahensiya o kompanya. Magbabayad sila sa iyo ng professional fee o honorarium. Kita na naman uli iyon. At sana, huwag mong sasarilinin lang ang sobra mong pera. Puwede mong gamitin ang malaking bahagi nito bilang pantulong sa mga taong nangangailangan. Lalo kang pagpapalain ng Diyos. Tuloy-tuloy na ang pagyaman mong pinagpala ng Diyos.
Tandaan: “Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”
Comments are closed.