(Part 38: Paiyakin ang Pastor sa Tuwa)
“YOU cannot outgive God.” Isang araw, naimbitahanako ng isang simbahan sa Bacolod na magturo sa kanila tungkol sa paksa ng Biblical financial management. Maliit pa lang ang iglesya nila noon, siguro mga 200 pa lang ang miyembro at nangungupahan sila ng lugar sa isang sinehan sa isang mall. Binigyan ko ng diin na ayon sa turo ng Diyos, kasama sa wastong pangangasiwa ng kaperahan ay ang pagbibigay sa simbahan, kasama na sa kanilang pastor. Itinuro ko sa kanila ang konsepto ng ‘hukbo ng mamimigay’.
Sinabi ko na ang layunin ng hukbo na ito ay ang paiyakin ang inyong pastor – paiyakin sa tuwa. Maganda na gagamit kayo ng ‘anonymous giving’ o pagbibigay nang hindi kilala kung sino ang nagbigay. Ang pagbibigay na ito ay ginagawa mo para sa Diyos; hindi ito pakitang tao; hindi ito naghahanap ng papuri ng mga tao. Ang turo ni Jesus, “Kung magbibigay kayo sa mga nangangailangan, dapat ay hindi alam ng kaliwang kamay ninyo ang ginagawa ng kanan, upang sa gayon, ang pagbibigay ninyo ay lihim, at ang Ama ninyo sa langit na nakakakita sa lihim ay maggagantimpala sa inyo.” (Tingnan ang Mateo 6:1-4)
Malakas pala ang tama ng aking pagtuturo sa mga tagapakinig. Isa roon sa nakarinig sa akin ay isang negosyanteng Kristiyano; tawagin natin siyang si Brother Benji. Inorganisa niya ang maraming miyembrong negosyante at propesyonal na maging isang hukbo ng mamimigay sa kanilang iglesya. Nagplano sila kung paano nila “paiiyakin sa tuwa” ang kanilang pastor.
Makalipas ang dalawang taon, inimbitahan na naman ako ng iglesyang iyon na magsalita sa kanila. Pagdating ko sa airport sa Bacolod, si Brother Benji ang sumalubong sa akin. Isinakay niya ako sa isang brand new Toyota Corolla na kotse. Habang tinatahak namin ang daan patungo sa kanilang iglesya, natanong ko siya kung kumusta na ang kanilang pastor. Ang sabi niya na dahil sa katuruan ko sa kanila noong nakaraang dalawang taon, in-apply nila. Bumuo sila ng hukbo ng mamimigay, at ang pakay nila ay ang pasayahin ang pastor nila alang-alang sa Diyos. Kaya ipinadala nila ang pastor nila sa Estados Unidos para magkaroon ng isang buwang all-expenses paid na bakasyon at nagpahiram ang isang kapatid doon ng kotse na puwedeng gamitin ng pastor sa pag-iikot-ikot at pamamasyal nang walang bayad.
Sabi ko, “Wow! Ang galing ninyo naman! Napakabuti ninyo sa pastor ninyo. Kaya pala pinagpala ka ng Diyos ng isang brand new car na Toyota Corolla!”
Siinabi ni Brother Benji na, “Hindi para sa akin ang kotseng ito. Binili namin ito bilang sorpresang regalo sa aming pastor. Hinihintay lang namin siyang bumalik mula Estado Unidos at ibibigay namin sa kanya ang kotseng ito!”
Nanggilalas ako sa kabutihan nila sa kanilang pastor. Pagdating ko sa kanilang iglesya, mayroon na pala silang sariling building, hindi na sila nangungupahan sa sinehan sa mall. Pinagpala sila ng Diyos. Nakita ko na naging isang libong tao na ang miyembro ng kanilang iglesya.
Dito ko nakita ang katotohanan ng mga katuruan ng Diyos sa Bibliya ukol sa kaperahan. Talagang “you cannot outgive God.” ‘Pag inalagaan mo ang mga taong Diyos, aalagaan ka ng Diyos. Kung sasaktan mo ang damdamin ng mahihirap, baka saktan ka rin ng Diyos. Kung magiging mabuti ka sa mga mahihirap kasama na ang mga manggagawa ng Diyos, gagantihan ka ng kabutihan at pagpapala ng Diyos.
Ako man ay nagtayo ng hukbo ng mamimigay. Ang isang grupo ng mga Kristiyanong dating squatter sa Old Balara, Quezon City ay tinuruan kong magbigay at maging isang hukbo ng mamimigay. Ang mga taong iyon na tinuruan ko at ginawa nila ang generous giving ay pinagpala rin ng Diyos. Nakaalpas sila sa pagiging squatter. Ngayon ay may mga sarili nang bahay at lupa, negosyo, sasakyan, masang pamilya, at naipasok nila sa magagandang paaralan tulad ng Unibersidad ng Pilipinas ang kanilang mga anak. Sila ngayon ang naging haligi ng pagbibigay sa kanilang iglesya.
Tandaan: Sa kakasingko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.