(Part 5)
BATAY sa kuwento ni Jesus, dalawa sa tatlong naglilingkod ay dumanas ng kasaganaan. At isa sa tatlo ay hindi sumagana, kundi nawala pa ang lahat ng tinatangkilik niya. Bakit? Ang unang dalawa ay sumagana dahil masunurin sila sa utos ng amo nila na ipangalakal ang salaping ipinagkatiwala sa kanila. Naging masipag at madiskarte sila. Subalit iyong pangatlong lingkod ay naghirap at naparusahan pa dahil pasaway siya. Hindi niya ninegosyo ang salaping ipinagkatiwala sa kanya. Sumuway siya sa utos ng amo. Tamad siya. Walang diskarte sa buhay. Gusto lang niyang kumain nang libre at tumanggap ng suweldo nang wala namang ginagawa. Palamunin siya. Inutil siya. Kaya naparusahan siya.
Ang tanong ko sa aking mga mambabasa: Dumaranas ba kayo ng kasaganaan? Kung hindi, ang tanong ay bakit? Batay sa kuwento ni Jesus, posible kaya na tamad ka? Wala ka kayang diskarte sa buhay? Mukhang libre ka ba? Ikaw ba iyong tipo ng tao na gusto lang kumain at tumanggap ng suweldo nang wala namang ginagawang mabuti? Pasaway ka kaya? May kahangalan ka kaya?
Sana ay huwag magagalit sa akin ang aking mga mambabasa. Diretso po akong magsalita at magsulat. Walang paligoy-ligoy. Mensahero lang po ako. May kasabihan na, “Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo” at “Ang pagsasabi nang tapat, pagsasama nang maluwat.” Ang layunin ng kolum ko sa PILIPINO Mirror ay magsabi ng totoo kahit na masakit. “Nothing hurts like the truth” (Walang mas masakit kaysa sa katotohanan). Ang pakay ko ay mapag-ibayo ang pasiya at kilos ng mga Filipino para yumaman at umasenso sila sa malinis na paraan.
Ang sabi ni Jesus, “Ako ay naparito upang bigyan kayo ng buhay na may kasaganaan.” Ano ba itong masaganang buhay na ito? Paano ba makakamit ito? Sa lahat ng mga tagasunod ni Cristo, walang tatalo kay Apostol Pablo. Siya ang pinakamatalino at pinakamahusay magpaliwanag ng mga katuruan ni Jesus. Siya ang may pinakamaraming kasulatan na kasama sa Bagong Tipan ng Bibli-ya. Sa kanyang isinulat sa 1 Corinto 9:6-15, ipinaliwanag niya kung paano mararanasan ang buhay na masagana.
Unang-una, isinulat niya, “Tandaan ninyo ito: Ang nagtatanim nang kaunti ay aani nang kaunti.” Kata-taka ba ito? Isa bang misteryo ito? Mahirap bang unawain ang aral na ito? Hindi po! Common sense (pangkaraniwang isip) lang po ito. Hindi kailangang maging rocket scientist para maintindihan ito. Pero maniwala kayo, maraming tao ang nagtataka. Tinatanong nila, “Bakit wala tayong ipon? Bakit kakaunti lang ang dumarating na kaperahan sa atin?” Aba, nagtataka! Nagtatanong pa! Napakalo-hikal naman ng dahilan. Kaya kaunti ang nadudukot ay dahil kaunti ang isinusuksok. Kaya kaunti ang kita ay dahil kaunti ang pagsisikap. Walang dahilan para maghirap kung gagamitan ng pagsisikap. Ang tawag sa karanasang ito ng kakulangan ay ‘financial bondage’ o pagkaaliping pinansiyal. Kulang sa pangangailangan ang kinikita mo dahil napaka-kaunti ng iyong paghahasik. Kaunting trabaho lang, titigil na.
Ang prinsipyo ng “kung ano ang itinanim, siyang aanihin” ay isang batas sa daigdig na nilikha ng Maykapal; at hindi ito puwedeng baliin ninuman. Nagaganap ito sa agrikultura. Kung magtatanim ka ng palay, ang aanihin mo ba ay mais? Siyempre hindi. Kung magtatanim ka ng punong mangga, ang mapipitas mo bang prutas balang araw ay avocado? Siyempre hindi. Kung ano ang itinanim mo, siya mong aanihin. Ang batas na ito ay umiiral din sa buhay kaperahan natin.
Idinagdag ni Apostol Pablo: “Ang nagtatanim nang marami ay aani nang marami.” Kataka-taka ba ito? Isang kahiwagahan ba ito? Hindi. Kung dumaranas ka ng kasaganaan, huwag ka ring magtataka. Ang kasaganaan mo ay bunga ng iyong inihasik – kasipagan, katalinuhan, katipiran, diskarte sa buhay. Ang pagyamang ganito ay resulta ng mga wastong kapasiyahan at pagkilos sa buhay mo. Ang tawag sa karanasan mo ay ‘financial freedom’ (kalayaang pinansiyal). Malamang na tumpak ang iyong pangangasiwa ng kaperahan mo. Natitiyak kong ikaw ay generous giver (bukas kung magbigay). Malamang na marami kang pinagpapalang tao.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.