FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 7)

NATUTUNAN ko ang prinsipyo ng pagbibigay ng ikapu ng aking kita noong maging tagasunod ako ni Cristo at nagbasa ng Bibliya. Nasarapan akong magbasa ng Bibliya dahil nasasagot nito ang marami at mahihirap kong mga katanungan sa buhay tulad ng saan ba tayo nanggaling, saan ba tayo pupunta kapag tayo ay namatay, ano ba ang kahulugan ng buhay, paano bang mamuhay nang malayo sa kapahamakan, at iba pa.  Sinunod ko ang mga katuruan nito sa abot ng aking makakaya.  Itinuro ko rin sa iba ang mga natutunan ko.  Nagpunta ako sa squatters area ng Balara at nagturo ako roon kung paano ba magkaroon ng maunlad na pamumuhay.

Kahit estudyante pa lang ako, prinaktis ko ang pagbibigay ng ikapu ng aking allowance.  Bente pesos ang allowance ko kada linggo, at walang paltos na ibinibigay ko ang dalawang piso sa simbahan. Nang magkatrabaho ako sa isang opisina, tumanggap ako ng suweldong 702 pesos kada buwan.  Ibinigay ko ang ikapu nito na nagkakaha­lagang 70.20 pesos.  Iyong opisina kong iyon ay ang ­pangunahing institusyong nagtuturo ng pagnene­gosyo sa Asia-Pacific. Ang ganda ng aming mga aklat at handout na ipina-mimigay sa aming mga estudyante.  Inipon ko ang mga handout namin at ginawa kong libro. Binasa ko ito ng ­ilang ulit at naudyok akong magnegosyo.  Maganda pala ang magnegosyo dahil ito pala ang nagpapayaman sa isang bansa.  Ito ang lumilikha ng yaman, lumilikha ng employment, nagbabayad ng buwis na nagiging kita ng gobyerno, ginagawang independent ang isang tao, at iba pang pakinabang.

Dahil dito, nagnegosyo ako. Ang kuya ko ang gumagawa ng mga processed food tulad ng tosino, tapa, hamon, bacon, cupcakes, atbp; at ako naman ang nagbebenta. Nagtinda ako ng itlog at dressed chic­kens. Nagtayo ako ng handicrafts expor­ting business; binibili ko ang mga handicraft na gawa ng mga nakabilanggo sa Bilibid at ibinebenta ko sa mga malalaking exporters. Nagtayo rin ako ng grocery at pumasok sa uniform business. Subalit napansin kong hindi na ako tapat magbigay ng ikapu ng aking mga kita.  Naging kuripot at makunat ako sa pera.

Pinaalalahanan ako ng Panginoon, “Dalhin ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bin-tana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.” (Malakias 3:10)  Subalit hindi ako sumunod.  Nakipagtalo ako sa Diyos.  Sinabi ko sa kanya, “Panginoon, saka na lang iyang ikapu.  Kailangan ng negosyo ng capital. Saka ko na lang ibibigay ang ikapu.”  Sinabi ng Panginoon sa akin, “Magtanim at ikaw ay aani.”  Subalit sinabi ko naman, “Hindi po, Panginoon.  Pagpalain mo muna ako, tapos magbibigay ako.”  Naglaban kami ng tug-of-war ng Panginoon.  Sinabi niya, “Magtanim muna.”  Sinabi ko naman, “Magpala ka muna.”  Hindi ako nakinig sa paalaala ng Diyos.

Makalipas ng mga 10 paalaala at hindi ako nakikinig, may dumating na malaking sakuna sa akin.  May mga nakipag-partner sa akin sa negosyo – isang matandang guro sa uni­bersidad at tatlong lalaking taga-Quirino province na may dalang mga bato na may patak-patak ng ginto.  Wala akong kamuwang-muwang. Ako lang ang magpapasok ng capital.  Nang mabasa ng ama ko ang incor-poration papers, pinaalalahanan niya ako na lugi ako sa kaayusan.  Nagbabala siya sa akin na baka niloloko ako ng mga ka-partner ko.  Subalit hindi ako nakinig sa aking matalinong ama.  Ipinasok ko ang lahat ng ipon ko sa negosyong iyon.  Ako rin ang lumakad ng lahat para mapatakbo ang negosyong iyon.  Ako rin ang lumapit sa mga iba’t ibang mining company na dala-dala ang mga batong may patak-patak ng ginto.  Nag-arkila ako ng mining engineer at nagkapital ako ng expedition paakyat ng bundok.  Nasaktan akong makita na winawaldas sa alak ng tatlong kasama kong taga-tribo ang pera kong pinaghirapan.  Doon ko napagtanto na naloko ako. Nawala lahat ang pinag-ipunan ko sa marami kong mga negosyo na hindi ibinigay sa Panginoon ang ikapu.

Nagalit ako sa Panginoon. Sinisi ko siya at sinabi, “Bakit hindi mo ako prinotektahan samantalang ang sipag-sipag kong mag-turo sa mga maralitang taong walang bayad. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Paano kitang mapo-protektahan kung ninanakawan mo ako.  Dalhin ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangan-gailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.”

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso.  Sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”

Comments are closed.