FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 8)

DATI akong tapat kung magbigay ng ikapu ng aking kita sa Panginoon at hindi Niya ako pinagkukulang.  Nang matuto akong magnegosyo at lumaki ang aking kita, nahirapan akong magbigay ng ikapu.  Matapos ang ilang ulit na paalaala sa akin ng Diyos at hindi ako nakikinig sa Kanya, duma­ting ang isang malaking sakuna – naloko ako ng mga masasamang tao at nawala ang aking mga ipon.

Nagsisi ako.  Sumuko ako sa Panginoon.  Sinabi ko sa kanya, “Panalo ka na. Hindi kita kayang labanan. Mula ngayon, ibibigay ko nang muli ang ikapu ng aking kita sa iyo.”  Pagdating ng aking suweldong nagkakahalagang 702 pesos, ibinigay ko sa Panginoon ang 71 pesos.  Sinabi ko sa Panginoon, “Lampas pa sa 10 porsiyento iyan.”  Nagulat ako, hindi ako kinulang.  Inulit ko ang pagbibigay ng ikapu; hindi na naman ako kinulang.  Katunayan, makalipas ang ilang buwan, tumaas ang suweldo ko at naging 803 pesos na.  Ibinigay ko uli ang ikapu; hindi na naman ako kinulang. Makalipas na naman ang ilang buwan, nataas ako sa puwesto.  Naging isa akong guro sa unibersidad at malaki ang itinaas ng aking suweldo.  Ang laki ng katuwaan ko sa mga pangyayari.  Unti-unting naniwala na ako sa pagbibigay.  Tinaasan ko ang pagbibigay ko; ginawa ko nang 11 at 12 porsiyento ng aking kita.  Hindi pa rin ako kinukulang.  Nakakuha ako ng BLISS unit sa loob ng unibersidad. Wala pa akong asawa subalit may condo unit na ako. Tu­manggap ako ng ilang boarders at kumita ako ng extra. Tinaasan ko na naman ang pagbibigay ko; ipinadala naman ako sa Australia at Netherlands para sa aking mas mataas na pag-aaral.

Natutunan kong hindi pala kaya ng taong talunin ang Diyos sa pagbibigay.  Ang turo ni Cristo, “Magbigay at ikaw ay bibigyan, mabuting sukat, siksik, liglig at umaapaw na ibubuhos sa iyong sinapupunan. Sapagkat kung ako ang panukat mo sa pagbibigay, iyan din ang panukat na iyong tatanggapin.”  Mula noon naging mananampalataya na ako ng pagbibigay sa Diyos.

Pagbalik ko mula sa Netherlands, kinuha ako ng isang multinational company para maging isang manager nila at tumanggap ako ng suweldong limang ulit ang laki sa suweldo ko sa unibersidad.  Napagtanto ko na ang pagbibigay pala ng ikapu ay isa lamang ‘mediocre giving’ o pipitsuging pagbibigay.  Ang itinuturo ng Diyos sa Bagong Tipan ay ‘generous giving’ o masaganang pagbibigay.  Higit iyan sa ikapu. Iyan ang mandirigmang pagbibigay.

Ito ang mga dinaanan ko sa buhay para matutong magbigay.  Dumaan ako sa mahirap na proseso.  Pinalo ako ng Diyos para sa aking ikabubuti.  Napag-isip-isip kong ipinaranas sa akin ng Panginoon ang mahirap na prosesong ito para maituro ko sa iba ang sikreto ng Diyos sa pag-unlad.  Ang paraan ng tao sa pagyaman ay manguha, magnakaw, mangamkam.  Ang paraan ng Diyos ay ang kabaligtaran – ang maluwag na pagbibigay.

Ang bawat isa ay dapat magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso at hindi napipilitan lamang.  May ilang tao ang nagbibigay nga subalit mabigat naman sa kanilang kalooban.  Halimbawa, sa simbahan, kapag pagbibigay na, may mga nagrereklamo sa kanilang kalooban, “Pagbibigay na naman!”  Nang magbigay na, masama ang loob at nagsasabing, “Nagbigay na po!”  Natutuwa ba ng Diyos sa ganyang klase ng pagbibigay?  Hindi.  ‘Pag ganyan ang attitude mo, para kang nag-alay ng hayop na bulag o pilay; at hindi nalulugod ang Diyos sa ganyan.  Maaaring ma­ramdaman ng Panginoon, “Hindi mo talaga ako mahal.” Ang nagbibigay ay dapat magbigay nang masaya ang kalooban.

“ God loves a cheerful giver.”  Mahal ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.

Nang maliliit pa lang ang mga anak ko, tinuruan ko silang magbigay. ‘Pag koleksiyon na ng ikapu at mga handog, ibinubulong ko sa kanila, “Mga anak, heto na ang pinakamagandang bahagi ng pagsamba.”  Gusto kong maimpluwensiyahan silang maging mga maluwag magbigay sa gawain ng Panginoon.  Kaya paglaki nila, ang gusto nilang gawain para sa Diyos ay maging Kingdom Provider.  Gusto nilang ma­ging mahuhusay na Kristiyanong negosyante na taga-suporta ng gawain ng Diyos.

Ano ang resulta ng pagbibigay nang maluwag? Ang pangako ng Diyos ay ito: “Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa.” (2 Corinto 9:8)  Ang sabi ay “Pasasaganain kayo sa lahat ng bagay!”  Kasama ba riyan ang kasaganaan sa pananalapi?  Oo.  Pananalapi lang ba ang kasama?  Hindi.  Ang sabi ng Diyos ay sasagana ka sa lahat ng bagay, kasama ang kaperahan, subalit hindi lang kaperahan.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”

Comments are closed.