FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 9)

ANG PANGAKO ng Diyos ay ito: “Pasasaganain Niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan.” (2 Corinto 9:11)  Ang sabi rito, ang kasaganaang ibibigay sa nagbibigay ay “sa lahat ng bagay”.  Kasama riyan ang kaperahan, subalit hindi lang kaperahan.  Pati ibang aspeto ng buhay mo ay pagpapalain din – relasyon sa Diyos, kaisipan, pamilya, pakikipagkapwa tao, hanapbuhay, negosyo, kalusugan, at iba pa.

Ang layunin ba ng Diyos sa pagbibigay ng kasaganaan ay upang tayo ay magyabang o magpasarap lang sa sarili?  Para lang ba ito sa kaligayahang pansarili? Para ba ito sa sariling kapakanan o para busugin ang ating kasuwapangan? Hinding-hindi!  Ang layunin ng Diyos sa pagpapasagana sa atin ay upang sumagana tayo sa pagbibigay at pagtulong sa iba. Gusto Niyang tayo ay maging parang daluyan ng pagpapala sa iba, lalong-lalo na sa mga manggagawa ng Diyos.  Sila iyong nagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa buong mundo.  “Sa kaliwa ay ang Diyos ng biyaya, sa kabila ay ang taong kaawa-awa, sa gitna ay ikaw na daluyan ng pagpapala.”

Natutuwa ang Diyos sa maluwag na pagbibigay sapagkat ganito rin ang kanyang karakter.  Habang tayo ay lumalago sa rela-syon natin sa Diyos, dapat ay lalo tayong nagiging kamukha ng Kanyang karakter.  Kasama na riyan ang pagiging mapagbigay.  Ang ganti ng Diyos ay “sasagana kayo sa lahat ng bagay, sa lahat ng panahon, ang lahat ng inyong pangangailangan ay matutugunan, at higit pa.” Lampas-lampas sa ­ating pangangailangan ang ibibigay Niya. Magkakaroon tayo ng surplus o kalabisan para lalo pa tayong makapagbigay.  Sukdulan ang Diyos.  Kung Siya’y magiging kaaway mo, sukdulan ang parusa Niya.  Kung Siya ay malulugod sa iyo, sukdulan din ang pagpapala at paggagantimpala Niya. Kaya, masarap ma­ging kaibigan ang Diyos, at kahindik-hindik ang maging kaaway Niya.

May ilang tao ang nag-aakala na ang Diyos ay nagbibigay lang ng sapat.  Pangangailangan lang daw at hindi ang kagustuhan natin ang ibinibigay Niya.  Subalit hindi sang-ayon ang kaisipang ito sa itinuturo ng Kasulatan. Ang sabi ay, “Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,  at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.” (Awit 37:4)  Sinabi pa, “Nawa’y ipagkaloob niya ang iyong hangarin.” (Awit 20:4) Malinaw sa mga talatang ito na ang Diyos ay nagbibigay pati ng ating mga hangarin o naisin kung tayo ay kalugod-lugod sa Kanya.

Paano tayo makapagbibigay nang maluwag kung tayo ay nakasasapat lamang? Para maging todo-bigay tayo, dapat ay mayroon tayo ng surplus o labis.  Babaguhin ng Diyos ang ating kalooban.  Magiging masarap para sa atin ang pagbibigay.  Ang pagbibigay natin ay pataas nang pataas.  Parami nang parami ang ating bibigyan. Magbibigay tayo pati sa mga mahihirap na nasa malalayong lugar at ibang bansa.  Walang katapusan ang ating ugaling mapagbigay.

Ang mungkahi ko, unahin nating pagpalain ang mga pastor, misyo­nero o mga manggagawa ng Diyos o simbahan.  Sila iyong humahayo sa malalayong lugar at sa ibang bansa para ipamahagi ang mabuting balita ng kaligtasan kay Jesu-Cristo.  Kung hindi natin kayang maging mangangaral ng ebanghelyo, puwede naman tayong mag-ambag ng pera sa mga mangangaral. “Kung hindi puwedeng maging misyo­nero, maging tagasuporta ng ebanghelyo.”

Ang pinakamagandang pagbibigay ay ang anonymous giving o iyong “walang pagkakakilanlan ang nagbibigay.” Maganda iyong sosorpresahin mo iyong manggagawa ng Diyos para maiyak siya sa tuwa. Ang sabi ni Jesus, “Kung kayo ay magbibigay sa mga nangangailangan, huwag ninyong ipapaalam sa kaliwang kamay ninyo ang ginagawa ng inyong kanan.” ‘Pag hindi alam ng manggagawa ng Diyos kung kanino nanggagaling ang suportang ibinibigay sa kanya, hindi niya mapasalamatan ang nagbigay.  Kaya ang gagawin niya ay ipagdasal na lamang ang nagbibigay. Madalas ay mananalangin siya nang may kasamang pagluha, “Panginoon, sinuman po itong mabuting taong ito na nagbigay sa akin, pagpalain mo po siya, pagpalain mo ang pamilya niya, pagpalain mo ang negosyo niya.” ‘Pag marami kang tinutulungan nang palihim, marami rin ang magiging prayer warriors na nananalangin para sa iyo. Binabalutan ng pana­langin ng pag-iingat at pagpapala ang iyong pamilya at negosyo.  Paano ngayong ma-bibigo ang negosyo mo?

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”

Comments are closed.