(Part 34)
“MAGKAMALI na sa lahat ng pasiya, huwag lang sa pagpili ng iyong asawa.” Ang pitong pinakamagandang pamana para sa mga anak ay ang mga sumusunod: Kaligtasan, maka-Diyos na magulang, karunungan, edukasyon, hanapbuhay, mabuting asawa, at mga bahay at kayamanan.
Tapos ko nang talakayin ang unang lima. Ngayon, tatalakayin ko sa kolum na ito ang mabuting asawa. Maaaring sabihin ng ilang mambabasa, bahala ang mga anak natin kung sino ang gusto nilang mapangasawa. Walang pakialam ang mga magulang sa pag-aasawa ng kanilang mga anak. Siyempre, naniniwala ako na ultimately, ang mga anak natin ang dapat pumayag at pumili ng kanilang mapapangasawa. Subalit naniniwala akong karunungan iyong tumulong ang mga magulang. Ang tanong ko ay ito: talaga bang sa batang edad ng ating mga anak ay may tumpak na silang basehan sa pagpili ng mapapangasawa?
Hindi biro ang magkaroon ng manugang (in-law) na masama. May kakilala akong pamilya na iniwanan ng ama ng malaking negosyo at ari-ariang pamana. Nagkakaisa ang magkakapatid. Kontento sila sa kitang dibidendo na tinatanggap ng bawat isa. Pati ang nanay ay buong suporta sa kanyang panganay na anak na maging punong tagapangasiwa ng family business dahil makatarungan at responsable siya. Subalit nang mag-asawa ang magkakapatid, ang ilan sa mga manugang ay nagahaman sa pera. Dahil maluho ang estilo ng pamumuhay, hindi na sila kontento sa dibidendong ibinibigay ng negosyo. Binuyo nila ang mga asawa nila. Iyong dating mga kontentong magkakapatid ay biglang hindi na kontento. Nauwi ito sa pag-aaway at paghihiwalay ng mga ari-arian. Nagkaroon ng kasiraan sa relasyon ng dating magkakaibigang magkakapatid. Dahil hindi naman lahat ay marunong magnegosyo, may ilang mga kapatid ang naghirap. Binuyo na naman ng ilang manugang na paghati-hatian ang ilan pang natitirang ari-arian. Walang kakontentuhan ang puso ng tao. Ngayon ay nagdurugo ang puso ng kawawang matandang ina dahil nakita niya ang pagkawasak ng dati niyang nagkakaisang pamilya.
“Lumilipas ang kagandahan, ngunit hindi ang kabaitan.” Ang malungkot ay maraming mga kabataan ay hindi pa masyadong mature sa kanilang pagpili. Ano ba ang basehan ng maraming kabataan para sa pagpili ng nobya at asawa? Ang marami ay panlabas na anyo ang basehan, hindi ang laman ng puso. Ang hinahanap ay basta maganda ang mukha at seksi ang katawan, ‘di bale na kung lapastangan at makasarili. Naaakit ang maraming tao sa labas na kaanyuan. Dahil lumilipas ang kagandahan, pagtanda ng dating maganda o guwapong asawa na may masamang ugali, magiging malaking pighati at problema ito balang araw. Maaaring mauwi ito sa maraming sigalot-pamilya, sakitan ng damdamin, away, paghihiwalay, at pagkadurog ng puso ng kanilang magiging mga anak.
Sa Bibliya, kaugalian ng mga matutuwid na tao ang pagtulong sa mga anak sa paghanap at pagpili ng mapa-pangasawa. Si Abraham ay nag-utos sa kanyang katulong na humanap ng mapapangasawa ng anak niyang si Isaac. Ang criteria lang ay dapat mananampalataya sa Diyos at payag na maging asawa ni Isaac. Malaking bo-nus iyong kagandahan. Nanalangain nang labis ang katulong at ginabayan siya ng Diyos na makilala si Rebec-ca, isang babaeng may takot sa Diyos. Siya ang naging asawa ni Isaac. Nang magkaroon ng dalawang anak sila, ang panganay na si Esau ay nag-asawa ng babaeng Canaanita (‘di mananampalataya) nang hindi kumonsulta sa mga magulang. Mga walang modo at lapastangan ang naging mga asawa at naging malaking pighati ang mga ito kina Isaac at Rebecca. Kaya inutusan ng mga magulang ang pangalawang anak nilang si Jacob na huwag mag-asawa ng Canaanita, kundi pumunta sa kanilang dating bayan at doon humanap ng babaeng mananampalataya sa Diyos. Ganoon nga ang ginawa ni Jacob at siya ay pinagpala ng Diyos; ang pamilya niya ang naging bansang Israel, ang bayan ng Diyos.
Kaya may karunungan ang pagtulong ng mga magulang sa paghanap at pagpili ng mapapangasawa ang ka-nilang mga anak. Gawain ng mabubuting tao ito sa Bibliya. May mga kultura na sumobra naman ang pakikialam ng mga magulang – nakikita ng lalake ang babaeng mapapangasawa sa araw na mismo ng kasal at wala siyang salita sa pagpili ng mapapangasawa. Hindi naman tama ito. Ang payo ko ay ito: pag may nakita ang mga mananampalatayang magulang ng isang posibleng mapapangasawa ng kanilang anak na mananampalataya rin, mabait, may pinag-aralan, at may magandang itsura rin naman, puwedeng makipag-usap ang magulang ng la-lake sa magulang ng babae, at ipagkilala nila ang kanilang mga anak. Hayaang magkaroon ng mabuting pakikipagkaibigan ang dalawa. Kung magkagustuhan ay mabuti. Kung hindi, huwag pilitin. Tutulong lang ang mga magulang, subalit ang mga anak pa rin ang magbibigay ng huling kapasyahan.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.