NANINIWALA ako sa kapangyarihan ng pagbibigay para payamanin ang isang tao. Alam ko na magtataka ang ilang mambabasa ng aking kolum sa aking sinabi. Marahil ang tanong nila ay “Paanong magpapayaman sa isang tao ang pagbibigay? Nagbibigay nga siya e; e ‘di palabas ang pera sa kanya. Paanong payayamanin siya nito?”
Sa aking palagay, mayroon talagang mahiwaga o misteryosong mga bagay na nagaganap sa sanlibutan. Isa na rito ang hiwaga ng pagbibigay. Kung naniniwala ka na mayroong Diyos, hindi mahirap paniwalaan ito. Kung sa palagay mo ay walang Diyos, kung gayon, ang pagbibigay ay parang pagsasayang lamang para sa iyo.
Naniniwala ako na mayroong Diyos na lumikha sa atin. At nagbigay Siya ng mga katuruan para sa ating ikabubuti. Napakabait Niya. Hindi Niya tayo basta pinabayaan na lamang pagkatapos likhain. Nangungusap Siya sa atin. Gusto Niya tayong pagpalain dahil mahal Niya tayo. Isa sa katuruan ng Diyos ay ito: Magbigay at kayo ay bibigyan din, mabuting takal, siksik, liglig, at umaapaw na ibubuhos sa inyong sinapupunan. Kung ano ang panukat ninyo sa pagbibigay, iyan din ang panukat na gagamitin sa inyo ng Diyos para pagpalain kayo.” (Tingnan sa Lucas 6:38). Dinugtungan pa ito ni Apostol Pablo, “Ang nagtatanim nang kaunti ay aani nang kaunti. Ang nagtatanim nang marami ay aani nang marami.”(Tingnan ang 2 Corinto 9:6)
Ang pagbibigay ay hindi pagsasayang. Sa mata ng Diyos, ito ay pamumuhunan sa mga makalangit na kayamanan. Hindi lang sa dumarami ang pagpapala mo sa langit; pati rito sa lupa ay ibubuhos ng Diyos ang pagpapala. Kaya naniniwala ako na ang tunay na mayaman ay walang utang, at maraming binibigyan. Napatunayan ko na ng maraming beses ang katotohanang ito. Nang ako ay nagmamaramot, nagiging tuyot ang buhay ko. Walang pagpapalang dumarating sa akin. Kaunti lang ang mga kliyente ko sa negosyo. Mahina ang kita. Subalit nang ako ay nag-practice ng generous giving (malayang pagbibigay), bumubuhos ang pagpapala sa akin. Gusto kong maranasan din ng mga kababayan kong Filipino ang pagpapalang ito.
Sa oras na mapatunayan ninyo na totoo ang katuruan ng Diyos na ito, kung magkagayon, dapat ay gawin ninyong perma-nenteng kaugalian ang pagbibigay. Sana ay sumapi kayo sa “Hukbo ng Mamimigay”. Ito ay mga taong ginawang kaugalian ang pagbibigay sa Diyos, sa mga gawain ng Diyos, at sa mga deserving na mahihirap. Naniniwala akong tayo ay nabubuhay sa mga huling araw ng kasaysayan ng sangkatauhan. Sa panahong ito, nagtitindig ang Diyos ng tatlong hukbo para matupad ang hangarin Niya na hanapin at iligtas ang mga naliligaw. Gusto ng Diyos na maraming tao ang magsisisi, mailigtas at makapasok sa tahanan Niya sa kalangitan. Ang unang hukbo ay ang Hukbo ng Mangangaral. Kasama rito ang mga pastor, guro, ebanghelista, at misy-onero na humahayo sa malalayong lugar para maipangaral ang mabuting balita ng kaligtasan sa pangalan ni Jesus. Ang mensahe nila, “Manampalataya kayo sa Panginoong Jesus at kayo ay maililigtas.” Hindi nila kayang gawin ang trabahong ito nang sila lang. Kailangan nila ng mga katuwang. Marami sa kanila ay pinanghihinaanng loob dahil sa hirap at karalitaan. Kaya nagtindig din ang Diyos ng Hukbo ng Mananalangin. Sila ang nagdarasal para ingatan at palakasin ng Diyos ang kalooban ng unang hukbo.
Ang pangatlo ay ang Hukbo ng Mamimigay. Ang mga ito ay mga taong may matatag na hanap-buhay o kaya ay may matagumpay na negosyo, at kumikita sila ng suweldo o malaking kita. Tumatanggap sila ng pagpapalang pinansiyal mula sa Diyos. Ang pakay ng Diyos ay maging mapagbigay ang hukbong ito para mapondohan ang gawain ng Diyos na maipangaral ang Salita ng Kaligtasan. Ang mga Mamimigay ay tatanggap ng napakalaking pinansiyal na pagpapala. Yayaman sila sa malinis na paraan. Magiging malaking pagpapala sila sa kanilang kapwa. Sila at ang kanilang mahal sa buhay ay magtatamasa ng malaking kaginhawahan sa buhay buhat sa Diyos. At hindi para sa sarili lang nilang kapakanan ang pagyaman nila. Hindi! Payayamanin sila ng Diyos upang magpayaman din sa iba. Susuportahan nila ang mga simbahan, missionary organizations, pastor, mga misyonero na mangangaral dito sa Filipinas at sa labas ng bansa. Gagawin nila ang Filipinas na isang missionary-sending nation. Ang Filipinas ay magiging malaking espirituwal na pagpapala sa mga bansa na naninirahan sa kadiliman ng pamahiin at maling paniniwala. Kung gusto ninyong yumaman mula sa Diyos, sumapi kayo sa Hukbo ng Mamimigay.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sakakapiso-piso, nakakaisang libo.
Comments are closed.