FINANCIAL LITERACY PROGRAM SA WORKERS

UPANG matulungan ang mga manggagawa na makapag-ipon, naghain ng panukalang batas si Senador Jinggoy Ejercito Estrada para ipatupad ng mga employer ang libreng programa na magbibigay ng sapat na kaalaman sa mga empleyado kung paano makakapag-ipon at mapaghahandaan ang kanilang pagreretiro.

“Hindi maaaring balewalain ang papel ng mga employer sa ganitong adhikain dahil sila ang magbibigay ng pinakamadaling paraan para sa ganitong inisyatibo. Kung gugustuhin ng mga employers, magagawan nila ng paraan para maitaas ang antas sa kaalaman ng ating mga manggagawa kung paano sila makakapag-ipon, mamuhunan at iba pa,” paliwanag ni Estrada sa kanyang paghahain ng panukalang Personal Finance Education in the Workplace Act na nakasaad sa Senate Bill No. 2630.

“Makakatulong ito sa mga manggagawa dahil mabibigyan sila ng sapat na kaalaman at kasanayan sa tamang paghawak ng kanilang kita at ipon maging ng financial stability,” ani Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.

Dagdag pa ni Estrada, makikinabang din ang mga kompanya sa mga empleyado na may matatag na kalagayang pinansiyal dahil mas makakatutok sila sa kanilang gawain kaya mas magiging produktibo at kontento sila sa kanilang trabaho.

Sa ilalim ng SB 2630, kinakailangan na magbigay ng personal finance education program ang mga employer para sa lahat ng kanilang manggagawa. Kasama sa mga ituturo ang mga konsepto ng behavioral finance, savings, emergency and resilience fund development, debt management, investment, insurance and retirement planning at iba pang kaugnay na personal finance programs.

Ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pakikipagtulungan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno, ay magbibigay ng standard na nilalaman ng programa.

Maaaring isagawa ng employer ang programa sa loob mismo ng kanilang opisina, ipaubaya sa iba o sa pamamagitan ng iba pang available options.

Layon din ng panukalang batas na baguhin ang probisyon sa Presidential Decree No. 442 o mas kilala bilang Labor Code of the Philippines. Nabanggit ni Estrada na isang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nakasagot ng tama sa mga tanong patungkol sa financial literacy batay sa survey na isinagawa ng BSP.

Bukod dito, sinabi ng World Bank na nasa 25% lang ng mga Pilipino ang may kaalaman sa basic financial concepts.

VICKY CERVALES