NARANASAN mo bang maging broke kahit malayo pa ang weekend? O ‘di kaya’y padaanin lang sa palad mo ang iyong suweldo? Ang alat naman, mehn! Pero don’t fret! Narito ang ilan sa tips para makaangat naman ang ating savings account!
ISABUHAY ANG “SAVINGS-OVER-EXPENSE” MINDSET
Sabi ng propesor ko sa isang finance subject, ang tipikal na mindset daw natin ay “Income-Expense= Savings.” Sa mamahaling kape pa lang, ma-suwerte na kung may matitira pa. Dapat daw, gawin itong “Income-Savings=Expense.” Pagdating pa lamang ng allowance o suweldo, magtabi na para sa ipon. Bes, ang natirang pera lang ang kailangan mong gastusin. Kung gusto mong makaipon, disiplina at budgeting skills talaga ang kailangan.
KONTROLIN ANG SARILI
Alam mo kung sino talaga ang pinakamalaking threat sa savings mo? Ikaw din mismo! Isang paraan para hindi magalaw ang pera ay kung pahihira-pan mo ang sarili sa pagkuha nito.
Alam mo naman tayong mga Millennial, ayaw ng hassle. Halimbawa, kumuha ng passbook account sa halip na ATM.
Mas mahirap ma-access ang iyong pera sa option na ito, kompara sa ATM na papayagan kang mag-withdraw kahit saan at kailan.
MATUTONG MAG-INVEST
Kung kaya mong mag-ipon, mabuti. Pero kung mas trip mong mag-invest, mas mabuti. Mababa ang interest rates ng mga bangko kaya’t ang labas, parang nagpapatago ka lang ng iyong pera. Ngunit sa investing, perang kapital, oras at tiyaga lamang ang puhunan, may mapupuntahan ang ipon mo. Saan nga ba puwedeng mag-invest?
KUMUHA NG MGA LIFE INSURANCE
Pipili ka ng package at ito ay babayaran base sa schedule na napag-usapan ninyo ng iyong financial advisor. Bukod sa mayroon ka ng investment, secured ka pa anuman ang mangyari sa iyo.
MAG-INVEST SA STOCK MARKET
Sa prosesong ito, makabibili ka ng porsiyento ng shares mula sa mga korporasyon, ayon sa bilang na swak sa budget mo. Tandaan na ang kapalaran ng kanilang business ay kapalaran din ng pera mo, kaya’t maging wais kung saang kompanya ka mag-i-invest.
MAG-INGAT SA INVESTMENT SCAMS
Kung may nag-alok sa iyo ng deal na nangangakong tutubo ang iyong pera nang malaki sa maikling panahon lang, aba, magduda ka na. Deliks bes! Baka mabiktima ka ng scam. Kilatising maigi ang investment company na paglalagyan mo ng iyong pera. Ayaw mo namang mapunta lamang sa wala ang iyong pinaghirapan diba?
MAGNEGOSYO
Ito na siguro ang pinaka-effective way para mapalago mo ang iyong pera. Kung ikaw ay nag-aaral pa, maaaring magsimula sa simpleng buy and sell business gamit ang sobrang allowance. Para naman sa working adults, puwedeng mag-isip ng iba pang raket para mas maging productive.
Ang isang successful na negosyo ay parang million-dollar idea. Pero kailangan din isama sa formula ang sipag, tiyaga at sakripisyo. Kung handa ka sa risk na kaakibat nito, wala namang masamang sumubok diba? Malay mo bes! Ito pa ang ikayaman mo.
Iba’t iba man ang ating pananaw tungkol sa pera, ang mahalaga ay handa tayo para may madudukot kung kailanganin man.
Maganda na advance tayong mag-isip, lalo na’t habang bata pa. Hindi lamang ito para sa ating sarili, kung hindi pati na rin sa ating pamilya. So, ano? G ka na sa road to #FinancialSecurity? (photos mula sa google) RENALENE NERVAL