WALA nang pagkaantala sa allowances ng mga atleta.
Ipinahayag ng bagong talagang Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Richard ‘Dickie’ Bachmann na prayoridad niyang putulin ang burukrasya sa nangungunang sports agency sa bansa upang mapabilis ang pagbibigay sa pangangailangan ng mga atleta.
“Walang pagkaantala sa pinansiyal na suporta na ibinibigay ng PSC para sa mga atleta,” sabi ni Bachmann sa mga kawani ng PSC sa flag-raising ceremony nitong Martes sa Rizal Memorial Coliseum.
“‘Yan ang pinaka-urgent na bagay para matulungan natin sila. If there is any delay of allowances of any athlete, paki-delay din ‘yung akin. Isama mo na rin ang suweldo ko. Give me the names of those athletes, give me the names of the NSAs, ako na ‘yung maghahabol. Kasi, kapag sinabi ko na walang delay sa allowances, I’m going to make it happen,” pagbibigay-diin ni Bachmann.
Si Bachmann, na nanumpa bilang ika-12 PSC chairman noong nakaraang linggo, ay inihayag din ang kanyang plano sa pag-apruba ng miyembro ng Board, na ibalik ang mga libreng pagkain para sa mga miyembro ng Philippine Team, kabilang ang training pool.
Gayundin, hinikayat niya ang mga empleyado ng PSC na pumunta sa kanyang opisina at personal na maghatid ng anumang impormasyon at mungkahi upang maging mas mahusay at makabuluhan ang ahensiya.
“I work best when I am on the ground – talking & listening to people I am supposed to serve,” aniya. “I would rather go directly to the athlete, and I also encourage our commissioners to do the same.”
“Kayo rin (employees) ay mga MVP, because of the work you do to support our athletes. Gusto kong tiyakin sa lahat na narito ako para maglingkod. Panahon. Walang personal agenda. Nandito ako para pagsilbihan ang ating mga pambansang atleta, ang mga NSA, at ang organisasyon ng PSC,” pahayag ni Bachmann, na kalaunan ay binati at hinandaan ng cake para sa pagdiriwang ng kanyang ika-54 na kaarawan ngayong Miyerkoles (Enero 11).
Kasama ni Bachmann sina Commissioners Olivia ‘Bong’ Coo, Cebuano sportsman Edward Hayco at Olympian at SEA Games four-gold medal winner Warren Francis ‘Wawit’ Torres, na kapwa hinirang kasabay ni Bachmann, sa flag-raising bago tumuloy sa kauna-unahang Board meeting.
EDWIN ROLLON