FINIS LONG COURSE NATIONAL FINALS SA CLARK

MAGKAKAALAMAN kung sino ang pinakamatikas at pinakamusay na batang swimmers sa bansa sa pagtutuos para sa karangalan sa 2022 FINIS Long Course National Championships sa Disyembre 17-18 sa New Clark Aquatic Center sa Capas, Tarlac.

Ang mga medalist at swimmer na nakapasa sa seed time sa kani-kanilang age-group class mula sa Luzon, Visayas at Mindanao leg ng series ang magtutunggali sa dalawang araw na event na inorganisa ng FINIS Philippines.

Sinabi ni FINIS Managing Director Vince Garcia na bukod sa mga world-class na medalya na personal niyang idinisenyo para sa mga natatanging manlalangoy, nakataya rin ang scholarship grant at ang pagkakataong mapabilang na FINIS brand ambassador.

“Mahaba-habang laban na ang nakita natin. Maraming potensiyal na manlalangoy na napansin mula sa Luzon, Visayas at Mindanao leg, ngunit sa pagkakataong ito ang inaasahan namin ang higit pa dahil best of the best na ang labanan,” pahayag ni Garcia, isang aktibong triathlete at ‘Godfather’ sa TODO Paratriathletes team.

Dahil sa hindi paglaro ng mga kilalang manlalangoy, kabilang si Jamesrey Ajido, na nagtala ng apat na junior records sa Luzon leg noong Disyembre 3 sa Clark venue, matapos mapabilang sa Philippine Team para sa 44th SEA Age Group championship na kasabay na gagawin sa Kuala Lumpur, Malaysia, ang championship ay bukas para sa lahat.

Matatandaang binura ng 13-anyos at pinakabagong FINIS Brand Ambassador ang kanyang sariling pambansang junior record sa 50-m fly (26.95), 100-m Fly (58.82), 50m back (29.60), at 100-m back (1:03.28).

“Ang kawalan nila ay magbibigay ng pagkakataon sa iba na mag-excel. Siguradong mas magiging matindi ang labanan dahil ang magiging karibal mo ang ang pambato ng ibang probinsya para sa National tournament. Ibang level ng karangalan iyan para sa bata. Ang FINIS ay laging handa na mabigyan natin ng tamang venue ang ating mga batang swimmers dahil ‘yung grassroots development ay tunay na napakaimportante,” sabi ni Garcia.

Lilipat ang atensiyon sa 18-yrs-old class dahil ang mga kasamahan ni Ajido sa Golden Zoomers at kapwa FINIS Ambassadors National mainstay na sina Kyla Soguilon at Marcus DeKam ay inaasahang gagawa ng hakbang para salagin ang mga hamon mula sa kanilang mga katapat sa Timog.

EDWIN ROLLON