FINIS LONG COURSE SWIMMING COMPETITIONS SERIES SA NOBYEMBRE

PATULOY ang programa ng FINIS Philippines hindi lamang sa pagsasagawa ng mga mala-internasyonal na kompetisyon kundi sa pagpapatag sa propesyon ng swimming coach sa bansa.

Ipinahayag ni FINIS Managing Director Vince Garcia na tatapusin ng kompanya ang inorganisang swimming competition ngayong taon sa isasagawang National Long Course Swimming Competitions Series.

Ayon kay Garcia, ang mga batang manlalangoy mula sa Visayas ang unang makararanas ng dekalidad na kompetisyon sa gaganaping Visayas leg sa Iloilo Sports Complex Swimming Pool sa Iloilo City sa Nobyembre 5-6.

Ang junior standout at isa sa mga ambassador ng FINIS na si Kyla Soquillon ng Malay, Aklan ay inaasahang mangunguna sa mga kalahok na makikipagtagisan ng husay at galing para sa pagkakataong mangibabaw at mapabilang sa FINIS high-profile line-up ng mga brand ambassador.

“Nagawa namin ito sa aming nakaraang short course meet, tiwala ako na gagawin namin itong mas malaki at mas organisado habang patuloy naming binibigyang inspirasyon ang mga batang Filipino na manlalangoy sa pamamagitan ng mga dekalidad na kompetisyon,” sabi ni Garcia, isang aktibong triathlete at ‘Godfather’ sa TODO Para-athletes team.

Ang Mindanao leg ay nakatakda sa Nobyembre 12-13 sa Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex Swimming Pool sa Zamboanga, habang ang Luzon Leg ay gaganapin sa Nobyembre 26-27 sa New Clark City Aquatic Center sa Capas, Tarlac.

Sinabi ni Garcia na para sa Visayas at Mindanao entry forms at info kits, ang mga interesadong indibidwal, paaralan, swimming club at organisasyon ay pinapayuhan na magpadala ng mga entry sa [email protected]; [email protected]; at [email protected].

Habang ang para sa Luzon Leg entry forms at info kit ay available sa [email protected]; [email protected]; (cc: [email protected]).

Sinabi ni Garcia na ang pinakamahuhusay na manlalangoy mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ay magsasagupa para sa FINIS National Titles sa Disyembre 17-18 sa New Clark City Aquatic Center kung saan naghihintay ang mga kapana-panabik na papremyo sa Top 3 Swim Teams at Most Outstanding Swimmers.

“Sa National Finals tiyak na lalong kapana-panabik ang mga laban dahil pagsasamahin natin ang lahat ng nag-top sa kani-kanilang event mula sa tatlong leg para malaman natin kung saan magmumula ang pinakamahuhusay na swimmers,” sambit ni Garcia.

Umaasa si Garcia na marami pang batang swimmers ang kanilang matutuklasan at maisasama sa FINIS ‘Champions of Ambassadors’. Sa kasalukuyan, napasama kina Soquillon at World Junior semifinalist Jasmine ‘Water Beast’ Mojdeh si National junior record holder Jamesray Ajido bilang brand Ambassador.

Tangan ng 13-anyos na si Ajido ang national junior record sa 100-m Fly (58.82), 200-m Individual Medley (2:15.87), 400-IM (4:58.71), 200-m Back (2:17.09), 50- Fly (26.95) at 100- Back (1:03.28) na kanyang naitala sa Philippine Swimming Inc. (PSI) Grand Prix and Asian age-group selection series ngayong taon.

EDWIN ROLLON