FINNEGAN IKA-3 PINOY SA PARIS OLYMPICS

PASOK na rin si gymnast Aleah Finnegan sa 2024 Paris Olympics.

Si Finnegan ang ikatlong Pinoy na nakakuha ng ticket sa Summer Games sa susunod na taon.

Nagawa niya ito bilang isa sa 14 highest-ranked eligible athletes sa women’s all-around qualification sa World Artistic Gymnastics Championships sa Antwerp, Belgium nitong Martes, October 3.

Tumapos si Finnegan sa ika-32 puwesto sa all-around qualification na may kabuuang 51.366 points, subalit panlima siya sa eligible athletes para makuha ang kanyang Paris ticket.

“It’s a dream come true. I’m just so thankful for the Philippines for giving me this opportunity that I would never have been able to take otherwise,” pahayag ni Finnegan sa isang panayam ng Olympics Games sa X.

“Just to be here honoring my family, the Philippines, and honoring my dad who is in heaven, and all the people who put in so many sacrifices for me to be here, it is really just a dream come true.”

Sinamahan ni Finnegan ang elite group ng Olympic-bound Filipino athletes na kinabibilangan nina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo.

Si Finnegan ay naging una ring Filipino female gymnast na kakatawan sa Pilipinas sa quadrennial meet magmula noong 1964, nang pangunahan nina Maria Luisa Floro at Evelyn Magluyan ang bansa sa Tokyo edition.

Unang sumabak para sa USA, si Finnegan ay sumalang sa kanyang Philippine debut sa 2021 SEA Games sa Vietnam kung saan nagwagi siya ng dalawang gold medals sa team at vault events habang humablot ng silver sa all-around at balance beam.