FIRE MARSHALS NG BULACAN NAG-EARTHQUAKE DRILL

EARTHQUAKE DRILL

MALOLOS CITY – Nagpamalas ng kasanayan at kapasidad ang grupo ng mga fire marshal na inorganisa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan kaugnay ng pagresponde sa oras ng kalamidad sa ginanap na Earthquake Drill sa harap ng gusali ng kapitolyo, sa lungsod na ito ka­makailan.

Sa ginanap na drill, isinagawa ng mga empleyado ng kapitolyo at mga kliyente nito ang life-saving duck-cover-and-hold na inayos dakong ika-9 ng umaga na may ‘magnitude-8 intensity earthquake scenario’ sa direksiyon at gabay ng mga marshal.

Binati ni Gob. Daniel R. Fernando ang grupo gayundin ang PDRRMO sa pagsasagawa ng nasabing aktibidad kung saan naiha-handa hindi lamang ang mga marshal kundi pati na rin ang mga empleyado ng Kapitolyo sa mga dapat gawin sa panahon ng panganib, lalo’t higit kung magkakaroon ng lindol.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang nasabing grupo sa PDRRMO sa pagbabawas ng tensiyon at takot kung may dumating na sakuna o panganib.

“Kapag may mga ganitong sitwasyon, mabilis na nagpa-pa­nic ang mga tao, kadalasan ito pa ang nagiging dahilan para hindi makapag-isip nang mabuti at masaktan, lalo pang napapahamak, kaya sa tulong ng mga marshal  ay may katuwang ang PDRRMO sa pagpapaalala na huminahon at sundin ang mga bilin sa atin kapag may emergency, in that way we can save lives,” ani Fernando.

Samantala, nagpasalamat naman ang mga fire marshal na sinanay bilang first aiders para sa oportunidad na maging bahagi ng ‘lifesavers group’ sa lalawigan.

Ayon kay Felicisima Mungcal, pinuno ng PDRRMO, layu­nin ng nasabing gawain na masukat ang kahandaan at kasanayan ng mga marshal sa pagresponde sa kalamidad at gipit o mapa­nganib na sitwasyon partikular na ang pagkakaloob ng pang-unang lunas, gayundin ang pagkakaroon ng kaalaman sa pagpapatakbo ng ‘Incident Command System’ matapos pagkalooban ng dalawang araw na pagsasanay ng ‘First Aid at Work’ sa PDRRMO Training Room nitong nakaraang Hulyo 3-4, 2019. A. BORLONGAN

Comments are closed.