CAMP CRAME –UPANG maging mabilis ang pagbibigay ng permit sa pagdala ng armas, pinadali lamang ang requirement sa mga hukom.
Kamakailan ay lumagda sa isang kasunduan ang Office of the Court Administrator at Philippine National Police (PNP) para maging mabilis ang pagkuha ng firearm requirements ng mga hukom sa bansa.
Ipinaliwanag ni PNP Chief, DG Oscar Albayalde na nilagdaan ang kasunduan sa national summit na dinaluhan ng 600 judges sa mga municipal at regional trial courts sa bansa.
Aniya, mapapadali na ang pagkuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearms Outside of Residence ng mga hukom sa mga ilalatag nilang mekanismo.
Magtatalaga rin ng caravan ang PNP para mapadali ang pagkuha ng mga kinakailangang requirements ng mga hukom mula sa mga lalawigan.
Sinabi ni Albayalde na delikado ang trabaho ng mga hukom sa bansa kaya dapat lang na bigyan sila ng pagkakataon na pabigyan ng proteksiyon ang kanilang mga sarili sa mga banta sa kanilang buhay.
Magugunitang kamakailan lang ay napatay sa ambush si Ozamiz City Judge Edmundo Pintac kung saan hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa rin nahuhuli ang mga suspek sa nasabing krimen.
Bukod sa pagpapadali sa requirements sa pagkuha ng baril, sinabi ni Albayalde na nakahanda rin silang magbigay ng seguridad sa mga hukom na tumatanggap ng mga pagbabanta sa kanilang mga buhay. EUNICE C.
Comments are closed.