FIRECRACKER BAN UMIIRAL PA RIN – AÑO

PAPUTOK-4

MULING ipinaalala ni Interior Secretary Eduardo Año na nananatiling umiiral ang Executive Order 28 na tumukoy sa mga bawal na paputok.

Ang kautusan ay noon pang 2016 inaprubahan at ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong proteksiyunan ang mga sasalubong sa bagong taon mula sa disgrasya.

Sa ilalim ng batas, bawal ang mga delikadong firecracker gaya ng sawa, Goodbye Philippines, watusi at iba pa subalit pinapayagan ang luces, roman candel at iba pang pailaw.

Naniniwala si Año na alam ng pulisya ang gagawin para makontrol ang mga sibilyan sa paggamit ng bawal na paputok.

Giit ng kalihim, may sinusunod na protocols ang PNP hinggil sa paghawak ng ganitong sitwasyon.

Samantala, kompiyansa si Año  na  epektibo pa rin ang  muzzle taping  o  pagbusal sa mga service ng firearm bilang paalala na bawal ang pagpapuputok ng armas sa pagsalubong sa bagong taon.

Aniya, dapat gamitin ng mga pulis ang kanilang baril sa gabi ng Disyembre 31 para sa pagtugon lamang sa kanilang trabaho at hindi sa pagsasaya.

“Effective pa rin talaga ‘yan, ‘yung merong tape tapos may pirma pa ‘yan, may countersign ‘yan para sigurado na kung talagang hindi naman kailangan ay hindi puputok ‘yung baril na ‘yan. I mean, gagamitin mo on official duty, talagang makipaglaban ka sa criminal,” ayon pa kay Año.

Magugunitang noong isang taon ay hindi na ito isinagawa ng Philippine National Police (PNP) dahil tiwalang susunod naman ang mga ito habang wala rin naman na naitala na paglabag ang mga law enforcer. EUNICE CELARIO

Comments are closed.