INIULAT ng Department of Health (DOH) na mahigit kalahati o 50% ang ibinaba ng bilang ng mga fireworks-related injury (FWRI) na naitala nila sa bansa, may dalawang araw pa bago salubungin ang Taong 2019, kung ikukumpara sa kahalintulad na reporting period noong nakaraang taon.
Sa inilabas na pinakahuling FWRI report ng DOH, natukoy na nasa 43 na ang kabuuang bilang ng mga nabibiktima ng paputok sa bansa, mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 29.
Nadagdagan pa kasi ng tatlong bagong kaso ng nasugatan dahil sa paputok, mula sa Regions 1, II at V, ang 40-kaso na naitala nila kamakalawa.
Gayunman, ipinagmalaki naman ng DOH, na mas mababa pa rin ito ng 44 na kaso o 51%, mula sa dating 87 kaso na naitala nila sa kahalintulad na reporting period noong taong 2017.
Karamihan pa rin sa mga biktima, na nagkaka-edad ng mula dalawa hanggang 69 taong gulang, ay mga lalaki, na nasa 39 kaso o 91%.
Ang 41 sa kanila ay nasugatan dahil sa paputok, habang dalawang bata naman ang nakalunok ng paputok, ngunit kapwa nasa maayos ng kalagayan sa ngayon.
Ang boga ang nakapagtala ng pinakamaraming biktima ngayong taon, na umabot sa 12 kaso, sumunod ang kwitis (5), triangle (3), piccolo (3), at tig-dalawa ang naman ang baby rocket, bawang, camara, at luces.
Nabatid na ang 24 sa mga nabiktima ay nasugatan at nalapnos lamang, lima ang kinailangang putulan ng daliri, at 14 ang nagtamo ng pinsala sa mata.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na iwasan ang paggamit ng paputok upang makaiwas sa disgrasya.
Nabatid na nasa 60 pagamutan o sentinel sites ang mino-monitor ng DOH para sa FWRI cases sa pagsalubong sa Taong 2019. ANA ROSARIO HERNANDEZ