CEBU – ENGRANDENG pailaw o fireworks ang inaasahang mapanonood ng publiko sa Sinulog Grand Parade sa Enero 20 na gaganapin sa Cebu City Sports Center.
Sinasabing ito’y hindi lang simpleng fireworks, kundi isang musical fireworks na aabot ng limang minuto.
Ito rin ang unang pagkakataon na magkakaroon ng musical fireworks display sa Sinulog Festival.
Ayon pa kay Councilor Dave Tumulak, overall chairperson ng SFI, isang airline company ang nag-sponsor nito na aabot sa P500,000.
Sa unang pagkakataon din aniya ay hindi sila uupa ng entablado na gagamitin para sa Sinulog dance ritual showdown na nagkakahalaga sana ng P800,000.
Samantala, magsisimula ang mga aktibidad sa Sinulog sa Huwebes, Enero 10, para sa Opening Salvo.
Sunod dito ay sa Enero 11 na grand launching sa Sinulog 2019, Enero 12 para sa Sinulog sa Lalawigan, Enero 13 para sa Sinulog sa Barangay, at ang pinakaaabangang Sinulog Grand parade ay sa Enero 20.
Sa taong ito, gagastos ang lungsod ng P30 milyon para sa Sinulog, na sumasaklaw sa subsidy para sa mga contingent at mga premyo para sa mga mananalo. AIMEE ANOC
Comments are closed.