MAPALULUWAG na ang nararanasang trapik sa mga lansangan sa Metro Manila dahil sa nalalapit na groundbreaking ng kauna-unahang subway at commuter railway.
Ito ang sinabi ni His Excellency Japanese Ambassador Koji Haneda na nagpahayag ng kagalakan na makatulong sa Filipinas na mapaluwag ang trapik sa pagtatayo ng nasabing subway at railway.
Naging tahanan na umano ng ambassador ang Filipinas at marami naman ang hindi nabago, maliban lamang sa isang bagay-iyon ay ang notorious traffic sa EDSA.
Sinabi nito na hinahanap-hanap niya ang kanyang naging karanasan noong 1980s, kung saan maaring mag-cocktail sa Manila Hotel at saka maghahapunan sa Quezon City, subalit dahil sa sitwasyon ng trapik sa EDSA ay hindi na niya ito nagagawa.
Binigyang diin ni Haneda na hindi lamang hardware ang kanilang ipagkakaloob sa bansa, kundi tutulong din sa software.
Isinusulong ng Japan ang pagtatayo ng Philippine Railway Institute para sa management at maintenance training ng mga manggagawang Pinoy. “This is expected to bring Japan’s safe and efficient railway culture to the Philippines,” ang pahayag ni Haneda sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-85 kaarawan ng Kabunyian Emperor Akihito na ginanap kamakailan sa Shangri-La sa Makati City.
Sinabi nitong hindi bibitaw ang gobyernong Japan sa kanilang pangako na suportahan ang Build Buld Build Program ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Day One.
Ipinagmamalaki ng Japan ang partnership nito sa Filipinas para bumuo ng mahusay at matatag na bansa at mapaunlad ito para sa mamamayan.
Ibinida rin ni Haneda ang pagbubukas ng New Bohol International Airport, ang kauna-unahang “Eco-Airport” na nilagyan ng mga teknolohiya ng Japan.
“It is very encouraging to witness that the partnership we share has expanded beyond trade, investment, and development assistance to include wider cultural and grass-roots exhanges,” pahayag pa ng ambassador.
Ang pagdalo sa 6th Summit meeting ng Pangulong Duterte at Japan Prime Minister Abe ay pinaniniwalaan ni Haneda na lalong nagpalalim sa relasyon ng Filipinas at ng Japan.
Tiniyak ni Haneda na walang mahirap na hamon at walang mahirap na trabaho kung pagtutulungan ng bawat isa.
Kamakailan ay kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang alok ng Japan na air defense radars para palakasin pa ang surveillance and monitoring capability ng Philippine Air Force (PAF).
Nakatakdang i-upgrade ang Consular Office ng Embahada ng Japan sa Davao sa Consulate General sa susunod na buwan na itinuturing na magandang halimbawa ng pagpapatatag sa bigkis ng dalawang bansa.
“I am determined to give my best efforts to make this “Golden Age of our Strategic Partnership” even stronger and brighter,” ang pagtatapos pa ni Haneda.
Sa nasabing pagdiriwang ay itinampok din ang mga produkto ng Japan sa 29 booth na kinabibilangan ng sushi, wagyu, wine, airlines at marami pang iba. SUSAN CAMBRI
Comments are closed.