FIRST LADY LIZA ARANETA-MARCOS NAMAHAGI NG 83 MOBILE CLINICS

NANGAKO  si First Lady Liza Araneta-Marcos na higit pang ilalapit ang health care system sa mga mamamayan, sa pamamagitan nang pagkakaloob ng 83 bago at modernong mobile clinics sa pitong lalawigan sa Central Luzon, partikular na sa remote areas.

Ang distribusyon ng mga mobile clinics ay bahagi ng collaborative effort sa pagitan ng Unang Ginang at ng Department of Health (DOH) at sa pakikipagtuwang na rin sa Department of Local Government Unit, Philippine Charity Sweepstakes Office at Act Agri-Kaagapay Organization.

Ang inisyatiba ay nasa ilalim ng “Libreng Laboratoryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat” or LAB program, na isang healthcare project na pinasimulan ng Unang Ginang at inilunsad kamakailan sa Maynila.

Ang mga newly donated mobile clinic ay mayroong examination, laboratory, at x-ray facilities, gayundin ng medical essentials gaya ng patient bed, infrared thermometer, patient monitor, at mga medical equipment, kabilang na ang electrocardiogram, ultrasound, cholesterol monitoring, glucose testing, at blood hematology tools.

Ang naturang kontribusyon ay naka-align sa dedikasyon ng pamahalaan sa universal health coverage, na isang mahalagang aspeto sa pagkakaloob ng mga modernong medical at health care sa mga Pinoy, partikular sa mga magsasaka at yaong mga nasa malalayong lugar.

Binigyang-diin naman ng Unang Ginang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng accessible healthcare para sa mga Pinoy.

Alinsunod sa bisyon na ito, ang mga mobile clinic ay may mahalagang papel sa pagkakaloob ng preventive health services direkta sa mga komunidad.

Anang Unang Ginang, sa pamamagitan ng sama-samang pagsusumikap ng iba’t ibang organisasyon, magtutulungan sila upang makapagtayo ng isang mas malusog at malakas na populasyon.

Sinabi naman ni Act Agri-Kaagapay founder President at author ng librong Leave No Body Hungry na si Virginia Ledesma Rodriguez na ang inisyatiba ay alinsunod sa commitment ni Pang. Marcos Jr.na magkaloob ng mahahalagang serbisyo at gabayan ang kalusugan ng mga mamamayan.

Ang mga klinika ay magpapasilidad ng regular na health screening upang matukoy ng maaga ang karamdaman ng pasyente, para sa agarang interbensiyon dito, na magpapahusay sa kalidad ng buhay ng mga Pinoy.

Magkakaroon din ang pamahalaan ng kapasidad na mapalawak pa ang naaabot ng pagbabakuna sa mga malalayong lugar.