BABALIK din ang interes ng publiko sa rail transit system sa sandaling matapos at maging operational na ang kauna-unahang subway line ng bansa, gayundin ang iba pang malalaking mass transit projects ng gobyerno sa ilalim ng “Build,Build, Build” program nito.
Ayon kay Senador Sonny Angara, bagaman sirang-sira sa publiko ang imahe ng rail transit system sa bansa dahil sa ‘di maaasahang serbisyo nito, umaasa siyang sa pamamagitan ng mga programang pang-transportayon ng pamahalaan ay magbabalik din ang tiwala ng mamamayan.
“Sa pamamagitan ng Metro Manila Subway, pati na ang MRT-7, may pag-asa na tayong magkakaroon tayo ng mga dekalidad na rail transit system. Wala na ring mahabang pila ng mga pasahero, wala nang siksikan at wala nang sira-sirang upuan,” ayon sa senador.
“Panahon na para ibalik natin ang tiwala ng mga tao sa ating rail transport system at gawin itong mas kapaki-pakinabang sa mamamayan,” saad pa ni Angara.
Matatandaan na nitong Pebrero 25, pinangunahan ng Department of Transportation ang groundbreaking ceremony para sa pagsisimula ng konstruksyon ng isang underground railway system na pinondohan ng P350 bilyon.
Inaasahang ito ang magiging solusyon ng napakalaking suliranin ng Kalakhang Maynila sa trapiko at posibleng mapakinabangan na sa taong 2025. Ito ay may 36-kilometrong subway line, maaaring makapagsakay ng mahigit 300,000 pasahero kada araw mula Mindanao Avenue sa lungsod ng Que-zon hanggang sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City sa loob lamang ng 30 minuto.
Ani Angara, malaki ang ginagampanang papel ng maayos na transportasyon ng isang bansa sa galaw ng kalakalan at ng ekonomiya nito.
Patunay aniya ang ulat ng Japan International Cooperation Agency na nagsasabing dahil sa napakasikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila, higit P5 bilyon na sana’y kinikita ng gobyerno kada araw ang nasasayang dahil sa sitwasyong ito ng transportasyon.
Kaugnay nito, pinayuhan ng senador ang publiko na para makatulong sa pagpapaluwag ng trapiko, mas makabubuti kung sasakay na lamang sila sa mass transit kaysa magdala ng sarili nilang sasakyan.
Gayunman, sinabi ni Angara na sa kasalukuyan, hindi magandang alternatibo ang MRT-3 na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA dahil sa madalas na pagkasira nito. Maaari rin aniyang may kinalaman sa problemadong operasyon nito ang kalumaan dahil ito ay may 19 taon nang pumapasada.
Ang nasabi namang subway train ay magkakaroon ng kaukulang koneksiyon sa LRT 1, MRT 3 at MRT 7 sa pamamagitan ng common station ng mga ito sa EDSA.
Ang MRT-7 project na direktang magdudugtong sa North Avenue Quezon City at sa San Jose del Monte City sa Bulacan province ay bahagi rin ng Build, Build, Build program ng gobyerno at inaasahang matatapos sa taong 2020. VICKY CERVALES
Comments are closed.