FIRST ROUND SWEEP TARGET NG TIGRESSES

Angge Poyos of UST Tigresses. UAAP Photo

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)

10 a.m. – DLSU vs NU (Men)

12 noon – AdU vs UST (Men)

2 p.m. – DLSU vs NU (Women)

4 p.m. – AdU vs UST (Women)

PUNTIRYA ng University of Santo Tomas ang first round sweep sa pagsagupa sa Adamson, habang magsasalpukan ang La Salle at National University sa eksplosibong UAAP women’s volleyball doubleheader ngayong Sabado sa Smart Araneta Coliseum.

Determinado ang Tigresses, na huling naging undefeated sa first round sa 2006-07 season nang magtala sila ng 6-0, na manatiling walang talo sa  4 p.m. clash sa  Lady Falcons.

Maghaharap ang mga dating kampeon ng liga — Lady Spikers at Lady Bulldogs — sa alas-2 ng hapon.

Mapapalaban sa Adamson side na nangangapa pa, ang UST ay walang balak na magkampante laban sa third placers.

“Hindi pa dapat kaming magpakampante kasi mahaba pa ang season at may second round pa. Bawal mag-relax,” sabi ni Tigresses rookie at league-leading scorer Angge Poyos.

Ramdam ng Lady Falcons ang paglisan ng ilang key players mula sa impresibong pagbabalik sa podium noong nakaraang season.

Nalasap ng  Adamson ang 19-25, 19-25, 25-22, 23-25 loss sa Ateneo noong nakaraang Miyerkoles. Ang Lady Falcons ay tabla ngayon sa Blue Eagles sa fifth spot sa 3-3.

Asahan ang kapana-panabik na Finals rematch sa pagitan ng La Salle, na nanalo noong nakaraang season, at NU, na tinapos ang 65-year championship drought noong 2022.

Sa kabila na nawala ang ilang vital cogs mula sa title run noong nakaraang taon, ang Lady Spikers ay nanalo sa limang straight-set matches. Ang nag-iisang talo ng La Salle ay sa mga kamay ng UST, isang five-set heartbreaker noong nakaraang Feb. 21.

Matapos ang malamig na simula sa season, ipinakikita ngayon ng Lady Bulldogs ang kanilang pagiging title contenders.

“Talagang nag-step up ang NU. Sa unang pagkatalo sa opening, straight-set pa nga (against UST), so I think, doon sa nangyaring iyon I think nagising sila, kaya ngayon nakikita natin yung pagtaas ng game nila. So kailangan talagang paghandaan, hindi pupuwedeng mag-dwell kami doon kung bakit at paano sila natalo doon against UST,” sabi ni  La Salle assistant coach Noel Orcullo.

“Ang pagtutunan namin ngayon ay paano sila pumapanhik,” dagdag pa niya.