FIRST-TIME REGISTRANTS DUMAGSA SA COMELEC

Registration

UMAABOT na sa 269,087 aplikasyon ang natanggap ng  Commission on Elections (Comelec), sa ikalawang linggo pa lamang ng kanilang idinaraos na voter registration sa bansa.

Ayon sa Comelec, ang volume o karamihan ng mga nagpaparehistro ay mga first-time registrant na umaabot ng kabuuang bilang na 159,126.

Nabatid na sa naturang bilang, 36,649 aplikasyon ang mula sa mga bagong botanteng nagkakaedad mula 15 hanggang 17-gulang, habang 122,477 naman ang mula sa nasa edad 18-anyos pataas.

Sa kabuuang aplikasyon, pinakamara­ming nagpatala sa Region IV-A mula sa regular registrants na umabot sa 43,777 aplikasyon na naproseso mula Agosto 5 hanggang 10, 2019, habang ang Region 1 naman ay nakapag-proseso ng 5,880 aplikasyon mula sa Sangguniang Kabataan (SK) registrants sa kaparehong petsa.

Sa buong bansa naman, 124,885 ang nagparehistrong lalaking botante habang 144,202 naman ang mga babae.

Nilinaw naman ng Comelec na lahat ng uri ng aplikasyon ay tinatanggap nila, sa isinasagawang voter registration, kabilang ang application for registration, transfer,  change o corrections of entries, reactivation, inclusion at reinstatement ng pa­ngalan sa listahan ng mga botante.

Batay sa Comelec Resolution No. 10549, nagsasagawa rin ang poll body ng satellite registration sa buong bansa.

Anang Comelec, sa kasalukuyan, ang schedule at venue para sa satellite registration sa kanilang mga satellite offices sa Regions I, II, III, IVA, V, VI, IX, at XII ay maaaring malaman sa pamamagitan nang pagbisita sa kanilang official Facebook page.

Matatandaang sini­mulan ng Comelec ang voter registration nitong Agosto 1 at inaasahang magtatapos hanggang sa Setyembre 30.

Tumatanggap ng aplikasyon ang Comelec mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Sabado, kahit pa sa araw ng holiday. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.