MAY 5 milyon pang Pinoy ang nakatandang tumanggap ng emergency subsidy mula sa first tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan sa panahon ng COVID-19 crisis.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ito ay karagdagan sa 18 million low-income families na target na mabiyayaan ng programa.
“Ipatutupad po natin ‘yong kagustuhan ni Presidente na lahat ng nangangailangan ng tulong ay magkakaroon ng tulong doon sa first tranche ng SAP,” wika ni Roque sa Laging Handa public briefing.
Nasa P200-billion emergency package para sa mahihirap na pamilya ang inilaan ng pamahalaan para matulungan silang malagpasan ang krisis.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang bawat benepisyaryo ay dalawang beses na tatanggap ng cash aid na mula P5,000 hanggang P8,000 (April at May) base sa minimum wage sa rehiyon.
Sinabi ni Roque na paraan ito ng gobyerno para makabawi makaraang maantala ang cash distribution.
“Ito’y patunay na unang-una tumutupad sa pangako ang ating presidente. Sinabi niya, lahat ng nangangailangan ay mabibigyan,” ani Roque.
“Alam ng ating presidente kung gaano kahirap ang buhay sa ilalim ng ECQ,” dagdag pa niya.
Comments are closed.