DALAWANG porsiyento lamang ng fish cages ang naapektuhan ng fish kill sa Batangas.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture, nasa 6,000 units ang total allowa-ble number ng fish cages sa Taal Lake.
Napag-alaman sa naganap na fish kill, 121 units o dalawang porsiyento lamang ang apektado, katumbas ng kabuuang 600 met-ric tons o mahigit P43 milyon na lugi sa produksiyon ng bangus at tilapia.
Nabatid na kakulangan ng dissolved oxygen sa katubigan ng barangay Buso-Buso at Gulod sa Laurel, at Barangay Banaga sa Agoncillo, Batangas ang dahilan ng pagkamatay ng isda na naitala nitong Mayo 29.
Idinagdag pa rito ang biglaang papalit-palit ng panahon mula sa mainit hanggang sa malakas na pag-ulan at pagbabago ng direksiyon ng hangin na nararanasan, gayundin ang sobrang dami ng isdang laman ng fish cages sa mga naturang lugar.
Bago ang fish kill ay hindi nagkulang ang DA-BFAR sa pag-aabiso sa maaapektuhan ng kakulangan ng oxygen sa ilang bahagi ng lawa, at pinayuhan pa ang fish cage operators na maagang anihin ang isda.
Sa kabila nito, tiniyak ng BFAR na hindi maaapektuhan ang presyo ng bangus at tilapia, habang patuloy na mino-monitor ang katubigan sa bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.