FISH VENDOR BINARIL HABANG NAGHAHANDA SA PAGLALAKO

fish vendor

MALABON CITY – NAMATAY noon din ang isang 51-anyos na fish vendor matapos pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek na hinala ng pulisya na politika ang motibo, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima na na­kilalang si  Ernie Villazur, tubong Brgy. Danao, Ba­lud, Masbate at residente ng 17 Pat M. Cabrera St. Brgy. San Roque, Navotas City ay agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib at kaliwang bahagi ng baba, habang mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, naganap ang insidente bandang alas-2:10 ng madaling araw sa kahabaan ng Estrella St., Brgy. Tañong habang tinutulak ng biktima ang kanyang kariton na puno ng panindang isda na kanyang binili mula sa fish traders.

Bago dumating ang biktima sa Malabon Public Market, bigla siyang hinarang ng dalawang armadong suspek at dalawang beses na binaril sa dibdib at baba.

Sinabi ni Col. Tamayao, ang biktima ay kilalang supporter ng isang kandidato noong midterm election sa kanyang bayan sa Masbate at sa hindi malaman na dahilan, nakatanggap ito ng maraming death threats na naging dahilan upang umalis ito sa naturang bayan.

Ayon pa sa pulisya, dumating ang biktima sa Navotas City noong Hun­yo 1 kung saan nagpasya itong magtinda na lamang ng isda.

Patuloy naman ang  isinasagawang pagkalap ng mga impormasyon ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek. EVELYN GARCIA

Comments are closed.