NAGSAGAWA ng pulong ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa Calabarzon upang palawakin ang mga oportunidad sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Lian, Batangas.
Nakausap ni PCUP Commissioner Reynaldo Galupo si DoLE Regional Director Atty. Roy Buenafe upang palakasin ang suporta para sa Samahang Damayan sa Matabungkay Multipurpose Cooperative (SDMMC) na nakabase sa Barangay Matabungkay.
Naunang nakipagpulong si Galupo at ang kanyang grupo kabilang ang pinuno ng kabuhayan ng PCUP sa mga opisyal ng SDMMC upang talakayin ang mga karagdagang pangangailangan para sa suporta sa kabuhayan ng kanilang kooperatiba na nakatuon sa pangingisda sa nasabing tourist area.
Ibinahagi ni Galupo na isang government-owned corporation ang nangako ng donasyon ng mga bangka para sa komunidad na makatutulong sa pagpapalago ng programa sa kabuhayan ng kooperatiba.
Ang SDMMC na kinabibilangan ng halos isang daang pamilya ay naninirahan sa mga lupang pagmamay-ari ng Department of Tourism sa Barangay Matabungkay.
Dagdag pa niya, magsisimula na ang direktang pakikipag-ugnayan ng DOLE sa SDMMC kapag natapos na ang kinakailangang dokumentasyon sa kalagitnaan ng Nobyembre ngayong taon.
RUBEN FUENTES