SINELYUHAN ng Department of Agriculture (DA) at ng Republic of Korea ang partnership para palakasin ang exports ng Philippine seafood at fisheries products habang sinisiguro ang food safety para sa Korean consumers.
Nagpulong sina Agriculture Secretary William D. Dar at Deputy Director Soo-jin Cho, kasama si Assistant Director Chan-hwei Lee ng Imported Food Inspection Management sa ilalim ng Korea Ministry of Food and Drug Safety (MFDS) noong Mayo 2 para tapusin ang mga plano para sa Mutual Recognition Arrangement (MRA) sa Food Safety of Philippine Exports to Korea.
Binigyang-diin ni Secretary Dar ang kahalagahan ng MRA meeting dahil magbibigay-daan ito para sa mas magandang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Maria Aleli Maghirang, agriculture attache to Korea, padadaliin din ng MRA ang digitalization at episyenteng pagsusumite ng export document sa pamamagitan ng pagpapatupad ng e-health certification ng mga sariwa at processed fishery products mula sa Pilipinas patungong Korea.
Binisita rin ng Korean mission ang Cebu at General Santos para inspeksiyunin ang operations at food safety compliance ng tatlong Filipino agri-fishery processing business firms — Siargao Bounty Seafood Corp.; Philippine Union Frozen Fish Inc.; at MK Smoked Fish Corporation.
Noong Dec, 20, 2021 ay isinagawa at isinapinal ng Philippine Agriculture Office sa Seoul ang paglagda sa Special MRA sa pagitan ng MFDS at ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na sa wakas ay ipatutupad na sa June 20.
Sinabi ni Cho na ayon sa MFDS, sa siyam na bansa na may MRA, sa Pilipinas ang pinakamabilis na ipinatupad matapos ang anim na buwan ng pagsasapinal. Ang bansa rin ang magjgjng una sa fisheries trading partners ng MFDS na magpapatupad ng e-certification system.
Ayon kay Dar, ang Pilipinas ay may kanais-nais na balance of trade sa Korea, sa kabila ng ilang production at logistical challenges sa nakalipas na dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic, kung saan nagtala ang bansa ng surplus na mahigit US$ 288 million noong nakaraang taon.
Sa pahayag ni Maghirang, noong 2021, ang Pilipinas ay nag-export ng US$526 M halaga ng iba’t ibang fishery products, na mas mataas ng 20 percent kumpara noong 2020.
Sa kabuuan, ang fishery products ay nagkakahalaga ng US$ 29.5-M noong nakaraang taon, karamihan ay high-value products tulad ng octopus, abalone, black tiger prawns, sea cucumber, at smoked tuna.