FISHING BAN NA NAMAN

HINDI na bago sa ating pandinig ang implementasyon ng fishing ban o pagbabawal ng pangingisda sa bansa.

Karaniwang ipinatutupad ito kapag may nangyayaring malawakang oil spill.

Halimbawa rito ay ang pagkalat ng langis sa Oriental Mindoro (OrMin) na nakaapekto sa maraming bayan tulad ng Baco, San Teodoro, Puerto Galera, Bongabong, Roxas, Mansalay, Bulalacao, at iba pa.

Naperwisyo ang OrMin matapos lumubog ang oil tanker na MT Princess Empress sa karagatan ng Naujan noong Pebrero 28.

Kung hindi ako nagkakamali, may dala itong 800,000 na litro ng langis na nagdulot ng oil spill sa maraming lugar.

Ito ang dahilan kaya nagkaroon ng fishing ban.

Isiniwalat naman mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na plano ng kanyang administrasyon na magpatupad ng fishing ban sa ilang lugar sa bansa.

Isang paraan daw ito para matugunan ang problema sa sobra-sobrang pangingisda o overfishing.

May mga bahagi nga naman daw ng karagatan na hindi dapat gawing palaisdaan.

Sinasabing ito’y nagsisilbing itlugan ng isda o breeding grounds kung saan sila nagpaparami.

Binigyang diin ng Presidente ang kahalagahan nito para hindi raw tayo maubusan ng isda at manatiling sapat ang suplay sa mga susunod na panahon.

Nakabibilib ang ganitong hakbang.

Maliban dito, may ipinatutupad ding closed fishing season sa ilang lugar kung saan tumataas naman daw ang compliance o pagtalima dito ng mga mangingisda at sektor ng commercial fishing.

Tama nga naman si Pangulong Marcos na hindi lamang suplay ng bigas at mais ang dapat na matiyak kundi mahalaga ring mapabuti ang fishery at livestock sectors.

Sinasabing bumababa ang antas ng nahuhuling isda sa pagkasira ng mga bahagi ng karagatan na pinamamahayan ng mga isda.

Sa ganitong paraan nga naman ay mapananatili ang sapat na suplay ng isda sa ating bansa.

Importanteng ma­pro­tektahan sila upang magpatuloy lamang ang pagpaparami sa mga isda na hinuhuli ng ating mga mangingisda at kinakain naman ng milyon-milyong mga consumer.