SINUBUKAN pang pigilan ng mga tauhan ng China Coast Guard ( CCG) ang isinagawang rescue operation ng mga kagawad ng Philippine Coast Guard (PCG)para masagip ang mga tripulanteng sakay ng sumabog na fishing boat malapit sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Sa inisyal na ulat, sugatan ang dalawang Pilipinong mangingisda matapos sumabog ang makina ng sinakyan nilang bangka malapit sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa PCG sinubukan silang harangin ng CCG na namataan malapit sa lugar kahit idineklara nila sa mga ito na magsagawa sila ng emergency response sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas kaugnay sa naganap na maritime accident.
Naispatan din malapit sa insidente ang dalawang CCG vessel.
Gayunpaman, nalapatan pa rin ng paunang lunas ng mga tauhan ng PCG ang mga biktima na nagtamo ng 2nd-degree burns.
Ayon sa PCG, naganap ang insidente nitong Sabado, bandang alas-9 ng umaga.
Sa ibinahaging report ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, walo ang sakay ng fishing boat at ilang sa mga ito ay nagtamo ng burn injury na agad nilapatan ng lunas ng mga tauhan ng PCG matapos magsagawa ng rescue operation.
Sinabi ni Balilo na base sa pahayag ng mga crew, posibleng nagkaroon ng short or faulty electrical wiring sa battery ng starter motor ng fishing boat na naging dahilan ng pagsabog at paglubog ng kalahating bahagi ng bangka.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa pangyayari. VERLIN RUIZ