PALAWAN–MABILIS na rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang fishing vessel na sumadsad sa isang protektadong lugar na mayaman sa coral reefs na matatagpuan sa Ursula Island, Barangay Rio Tuba, Bataraza ng lalawigang ito.
Agad namang ininspeksyon ng PCG ang fishing vessel na Chris Paul Bill-III para tiyakin na hindi ito nakapagdulot ng oil spill o iba pang kasiraan sa nasabing protected reef.
Ayon sa kapitan ng Barko, nakasalubong nila ang malakas na hangin at malalaking alon habang nangingisda sa 13 nautical miles o layo mula sa coral reefs nang pansamantalang tumigil sa Ursula Island.
Sa hindi inaasahan, napunta ang mga ito sa mababaw na bahagi ng karagatan na dahilan para sila ay sumadsad.
Pinayuhan naman ng PCG ang kapitan ng fishing vessel na tumuloy sa Rio Tuba Port habang hinihintay ang imbestigasyon na isinasagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa naging pinsalang idinulot nito sa coral reef sa isla.
Inatasan din ang kapitan na magbigay ng certificate of seaworthiness mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) bago sila payagang muling magsagawa ng fishing operation. PAUL ROLDAN
Comments are closed.