CAVITE CITY- BINABANTAYAN ng Philippine Coast Guard (PCG) ang hindi matukoy na bilang ng mga patay na isda sa kalapit na karagatan ng Barangay 61 nitong Lunes.
Ayon sa Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cavite na karamihan sa mga namatay na isda ay mga ’tilapia’ na agad namang iniulat ng CGSS-Cavite sa Local Government Unit (LGU) ng Cavite City at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa kaukulang aksyon.
Nagsagawa naman ang mga tauhan ng BFAR ng area inspection at water sampling sa lugar upang matukoy ang sanhi ng insidente habang ang mga tauhan ng PCG Marine Environmental Protection (MEPCOM) ay kumuha rin ng mga sample ng tubig at mga patay na isda para sa laboratory analysis.
Samantala, itinurn-over naman ang mga nakolektang patay na isda sa garbage collector truck ng Cavite City at dinala sa Material Recovery Facilities para sa tamang pagtatapon.
Patuloy naman ang monitoring at pagsagawa ng karagdagang incident report ng PCG National Headquarters na ipinarating ng CGSS Cavite. PAULA ANTOLIN