FISHKILL SA ILOG ISINISI SA KEMIKAL MULA SA MINAHAN

ISABELA – NAGHIHINALA ang ilang opisyal ng Department of Agriculture sa lalawigang ito na ang kemikal mula sa mga minahan ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda sa Dibin at Dinapigue Rivers.

Sanhi nito, nanga­ngamba ang mga mamamayan lalo na ang mga naninirahan na mga tribong Dumagat na umaasa at kanilang ikinabubuhay ang pangi­ngisda sa ilog ng Dinapigue dahil sa matinding epekto ng pagmimina sa kanilang lugar.

Napag-alaman na nagpasaklolo ang Tribong Dumagat kay Pastor Marcos Diunas na samahan sila na puntahan ang Luwalo Community, nakita niya ang malawakang pagkamatay ng mga isda sa Dibin River at Dinapigue River.

Pinuntahan ng mga fisherfolk at kinatawan ng Agriculture Office ang mga naturang ilog at nakita ang mara­ming namatay na isda at kapansin-pansin din aniya ang masangsang na amoy sa lugar dahil sa mga namatay na isda.

Sinabi ng mga nakatira malapit sa lugar na nangyari ito nang magsimula ang operasyon ng pagmimina ng mga mi­neral sa Dimakawal.

Matapos ang malakas na ulan noong araw ng Sabado ay nakitang nag­lutangan ang mga ma­liliit at malalaking isda na umabot sa 20 km na haba ng ilog.

Giit naman ng mga residente sa lugar na hindi ito bunga ng mainit na panahon dahil naranasan naman ang mga pag-ulan kundi mula sa kemikal na ginagamit sa pagmimina ng ginto. IRENE V.  GONZALES

Comments are closed.