FIVB KUMPIYANSA SA PH HOSTING NG 2025 MEN’S WORLDS

ANG FIVB Volleyball Challenger Cup (VCC) for Women ay hindi lamang magbibigay sa Alas Pilipinas ng pagkakataon na magpalakas pa sa isang “one miss and you’re out” tournament, kundi magpapasimula rin sa serye ng  dry run competitions bago ang first-time at  solo hosting ng bansa sa FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025.

“We’re down to 14 months to go and at the rate we’re going, we look forward to aiming for a well-hosted world championship in 2025,” wika ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara habang pinasalamatan niya ang FIVB sa pagkilala sa matagumpay na hosting ng federation sa  Volleyball Nations League (VNL) Men’s Week 3, dalawang linggo na ang nakalilipas sa SM Mall of Asia Arena.

“The Philippine’s love for volleyball was clear, setting the stage for the FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025,” pahayag ng FIVB sa kanilang official website.

“The Volleyball Nations League (VNL) Men’s pool in Manila … attracted a massive turnout of 45,886 fans eager to witness world-class volleyball, an exciting sign of what is to come for the upcoming FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025 in the country.”

Ang men’s world championship na tatampukan ng top 32 nations, kabilang ang host Philippines, ay nakatakda sa September 12-28 sa susunod na taon.

“The event [VNL Men’s Week 3] was marked by excellent organization and hospitality, which allowed the action on the court to take center stage. As the tournament unfolded, fan excitement and engagement visibly grew,” dagdag ng FIVB sa kanilang website news.

Ang pinakamataas na attendance, ayon sa FIVB, ay naitala sa final day nang umabot ito sa 93.82% na may 12,497 tickets na naibenta at napuno ng fans ang SM Mall of Asia.

Samantala, naghahanda si Alas Pilipinas coach Jorge de Brito para sa mabigat na laban sa Southeast Asia powerhouse Vietnam, na makakaharap ng nationals sa ikalawang araw ng VCC sa Biyernes.

Sinabi ng Brazilian coach, na ang kontrata ay pinalawig ng isang taon matapos makopo ng Alas women ang makasaysayang  bronze medal sa Asian Volleyball Confederation Challenge Cup noong nakaraang buwan, na dapat magpokus ang kanyang tropa sa “kung ano ang maaari nilang maiuwi at hindi sa kung sino ang kanilang makakaharap.”

“I think we know what we need to know about Vietnam,” sabi ni De Brito. “We know their players, we know how they play.”

“We shouldn’t be surprised with what they can do, what we should be concerned about is what we should do,” dagdag pa niya.

Ang VCC ay magsisimula sa Huwebes  (July 4) kung saan makakasagupa ng Puerto Rico ang Kenya sa alas-3 ng hapon at magsasalpukan ang Belgium at Sweden sa alas-6:30 ng gabi.

Makakasagupa ng mga Pinoy ang Vietnamese sa Biyernes, alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng  Argentina at Czech Republic sa alas-3 ng hapon.

CLYDE MARIANO