FIVE-WAY TIE SA LIDERATO TARGET NG LADY KNIGHTS, LADY PIRATES

Standings W L
Arellano 2 0
Benilde 2 0
Perpetual 2 0
Letran 1 0
LPU 1 0
Mapua 0 1
SSC-R 0 1
JRU 0 2
San Beda 0 2
EAC 0 2

Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
9 a.m. – SSC-R vs LPU (Men)
12 noon – SSC-R vs LPU (Women)
2 p.m. – Mapua vs Letran (Women)
4:30 p.m. – Mapua vs Letran (Men)

SISIKAPIN ng Letran at Lyceum of the Philippines University na maipuwersa ang five-way tie sa unang puwesto sa magkahiwalay na laro sa NCAA women’s volleyball tournament ngayon sa San Andres Sports Complex.

Makakasagupa ng Lady Knights ang Mapua sa alas-2 ng hapon, habang makakaharap ng Lady Pirates ang San Sebastian sa alas-12 ng tanghali.

Kahit wala si newly-minted beach volleyball MVP Cha Cuñada, ipinakita ng Letran ang kanilang tikas sa pamamagitan ng 25-20, 25-23, 28-26 panalo kontra San Beda sa season opener noong Linggo.

Pinangunahan ni Daisy Melendres ang scoring, subalit si Judiel Nitura ang higit na kuminang kung saan nag-deliver ang rookie sa endgame nang magbanta ang Lady Red Spikers na hilahin ang laro, nagsalpak ng back-to-back kills para igiya ang Lady Knights sa panalo.

Umaasa naman ang Lady Cardinals na makabawi mula sa kanilang season-opening heartbreaker.

Nasayang ng Mapua ang 2-1 set lead bago nalasap ang 20-25, 25-16, 25-21, 22-25, 5-15 loss sa LPU noong nakaraang Martes.

Bukod kina Chenie Batac at Nicole Ong, ang Lady Cardinals ay may iba pang opsyon sa katauhan ni rookie Roxie dela Cruz, na umiskor ng 20 points sa pagkatalo sa Lady Pirates.

Umaasa si reigning Best Setter Venice Puzon na mas mapaghusay ang pag-distribute sa plays para sa LPU, na pinangungunahan ng trio nina Jonah Dolorito, Jewel Maligmat at Janeth Tulang.

Samantala, sasandal ang Lady Stags kina Kat Santos, KJ Dionisio, Amaka Tan at playmaker Vea Sison para makapasok sa win column. Kinuha ng San Sebastian ang isang set sa titleholder College of Saint Benilde bago nalasap ang 25-20, 22-25, 13-25, 11-25 defeat noong nakaraang Sabado.