KUNG ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang tatanungin, malaki ang hinahawakang responsilibidad ng mga barangay chairman sa bansa.
Malawak ang trabaho ng mga kapitan at iba pang mga opisyal ng barangay.
Sabi nga, ang barangay ang ‘first line of defense’ ng gobyerno.
Kapag barangay captain ka, hindi biro-biro ang trabahong ito.
Kailangang magtrabaho ka 24/7.
Ang kapitan lang ng barangay ang government official na hindi 8:00am-5:00pm ang pasok.
Kung titingnan kasing maigi, aba’y inaasahan sila ng mga constituent ng 24 oras.
Kailangan ay magdamag na bukas ang mga barangay hall dahil dito unang tumatakbo ang mga tao kapag may gulo o insidente.
Ang barangay government talaga ay napakaraming dapat asikasuhin.
Sinasabi nga na lahat ng anggulo ng pamamalakad ng buong Pilipinas, nasa balikat ng barangay captain.
Sakop ng trabaho ng mga barangay chairman ang tatlong sangay ng gobyerno.
Si tserman ang executive o ang nagpapatupad ng ipipinapasa nilang batas at maging ng mga ordinansa na ginagawa ng siyudad; siya ang legislative bilang ng head ng barangay council; at ang judiciary dahil kapag may nag-aaway ay siya ang nangunguna sa pagresolba nito bilang pinuno ng lupon.
Maituturing din na mas mataas ang posisyon ng mga barangay captain at kagawad sa mga pulis.
Tinatawag na “person in authority” ang mga kapitan at kagawad habang “agent of a person in authority” naman ang tawag sa mga alagad ng batas o pulis.
Ang mga tanod naman ang unang lumalaban sa mga kawatan sa barangay o petty criminals.
Gayunman, hindi sapat ang tinatanggap nilang sahod kapalit ng sakripisyong ginagawa nila sa kanilang mga nasasakupan.
Nasa P600 lang kada buwan ang suweldo ng mga barangay tanod sa probinsya habang may mga tanod naman sa lungsod na kumikita ng P12,000 kada buwan. Malinaw rin na depende sa populasyon at lawak ng lupain ang pondong nakukuha ng isang barangay.
Kaya may mga nagsusulong ng panukalang batas sa Kongreso na layong pagkalooban ng ‘fixed’ salaries at iba pang mga benepisyo ang mga barangay official tulad ng tinatamasa ng mga regular government employee.
Aba’y suportado ng maraming city at municipal mayors ang bill tulad ni Cainta, Rizal Mayor Ellen Nieto.
Ang pahayag ay ginawa ni Nieto makaraang itulak nina ACT-CIS Party-list Representatives Edvic Yap, Jocelyn Tulfo at Jeffrey Soriano; Benguet Rep. Eric Yap, Quezon City Rep. Ralph Tulfo, at Davao City Rep. Paolo Duterte ang House Bill 502 kung saan isinusulong ang pagbibigay ng ‘fixed’ na sahod para sa mga opisyal ng barangay at idineklara ang mga ito bilang mga regular na empleyado ng pamahalaan upang makatanggap nga ng maayos na kompensasyon at benepisyo.
Sabi nga ni Nieto, misis ni dating Mayor Johnielle “Kit” Nieto, panahon na upang ibigay sa mga halal na opisyal ng barangay ang nararapat para sa kanila.
Mahalaga aniyang kilalanin ang papel na ginagampanan nila sa pagseserbisyo sa mga komunidad.
Nagsisilbi bilang ‘office of the first resort of the people’ ang barangay at marami silang isyu na dapat tugunan maliban sa regular nilang tungkulin at responsibilidad.
Maituturing bilang basic political unit ang barangay at nagsisilbi rin bilang pangunahing ‘planning and implementing unit’ ng mga proyekto, programa at polisiya ng national government.
Buko dito, sang-ayon din daw si Nieto sa panukalang pagkalooban ng PhilHealth, Pag-Ibig at Government Service Insurance System (GSIS) benefits ang mga opisyal ng barangay.
Kung hindi ako nagkakamali, sa ngayon, tanging ang mga barangay chairperson at mga kagawad lamang ang nakakatanggap ng kompensasyon sa porma ng honorarium.
Sa totoo lang, kahit pare-pareho ang trabaho ng lahat ng mga barangay official sa bansa, hindi naman pantay-pantay ang natatanggap nilang kompensasyon o benepisyo.
Kaya napapanahon ang nasabing bill na kasalukuyang nakabinbin sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Natatandaan ko pa na minsan nang ipinanukala ng nasirang dating Sen. Aquilino “Nene” Pimentel Jr. ang Magna Carta ng barangay na layon sanang gawing pantay ang kompensasyon ng mga opisyal ng barangay.
Nawa’y makatanggap ng suporta ng mataas na kapulungan ang panibagong bill at tuluyan itong maisabatas o lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.