FIXED SALARY SA BUS DRIVER, BABANTAYAN NG DOLE

BUS DRIVER

MULING nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga bus operator na sumunod sa pagbibigay sa mga driver at konduktor ng fixed at performance-based salary, gayundin ang maayos na kondisyon sa paggawa.

Ayon kay Bureau of Working Conditions (BWC) Director Teresita Cucueco, mahigpit na babantayan ang pagpapatupad ng DOLE sa Department Order No. 118-12, series of 2012, na nagtatakda sa patakaran at regulasyon sa pag-empleo at kondisyon sa paggawa ng driver at konduktor ng mga pampublikong bus.

“Tinitiyak ng department order ang kasiguruhan sa kita ng bus driver at konduktor, gayundin ang maayos na kondisyon sa paggawa sa bus transport sector. Patuloy kaming magbabantay sa pagtupad at pagsunod, ayon sa mandato,” ani Cucueco.

Sinabi ng BWC Director na sa pamamagitan ng department order, mababawasan ang buwis-buhay na ugali ng mga driver na tumatanggap ng batay sa commission-based system, dahil makatatanggap na sila ng tiyak na sahod, benepisyong-pangkagalingan, gayundin ang pagkakaroon ng ligtas at malusog na pamamaraan sa paggawa.

Batay sa D.O., ang fixed wage component ay ang halaga na parehong sinang-ayunan ng may-ari o operator at ng driver at konduktor na hindi dapat bababa sa kasalukuyang minimum na sahod.

Sa kabilang banda, bibigyan ng konsiderasyon sa performance-based wage component ang kanilang business performance, kasama rito ang kita o bilang ng mananakay at ligtas na pagtatrabaho, kabilang dito ang kanilang safety record, tulad ng bilang ng aksidente sa kalsada at paglabag sa batas-trapiko.

Dinismis ng Supreme Court noong Setyembre 27, 2018 ang petisyon ng grupo ng bus operator na nagpahayag na nilabag ng DOLE order ang kanilang karapatan-konstitusyonal bilang public utility bus operator na sumailalim sa due process, patas na proteksiyon at non-impairment of obligation of contracts.

“Ang Department Order No. 118-12 at Memorandum Circular No. 2012-001 ay maituturing na batas-panlipunan na naglalayong itaas ang ekonomikong kalaga­yan ng bus driver at konduktor, at itaguyod ang panlahatang kaga­lingan ng publikong mananakay. Ito ay makatuwiran at hindi pagsuway sa due process,” nakasaad sa desisyon ng SC. PAUL ROLDAN