PINAGTIBAY ng Korte Suprema ang pagkakaloob ng fixed salary o pagpapasuweldo sa mga driver at konduktor ng mga pampasaherong bus sa ilalim ng part-fixed-part-performance-based wage system.
Nakasaad sa 52-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, hindi maari ang sistema ng pagbibigay ng komisyon sa mga driver at konduktor ng bus.
Kinuwestiyon ng grupo ng mga bus operator ang panuntunang inisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Labor and Employment (DOLE), at National Wages and Productivity Commission (NWPC) laban sa pag-iral ng boundary o commission system sa pagkakaloob ng kompensasyon sa mga driver at konduktor ng mga pampasaherong bus.
Sa panuntunan ng mga ahensiya ng gobyerno, itinakda ang pagkakaloob ng regular na sahod sa mga driver at konduktor na ang halaga ay hindi dapat bababa sa umiiral na minimum wage rate, pagbibigay sa kanila ng holiday pay at isang araw na rest day o pahinga sa loob ng isang linggo.
Ayon sa Korte Suprema, wala silang nakitang paglabag sa Konstitusyon sa nasabing panuntunan dahil ginagampanan lamang ng DOLE at LTFRB ang kanilang “quasi-legislative powers.”
Makatuwiran din umano ang panuntunan at walang paglabag sa due process lalo pa’t layunin lamang ng pagpapatupad ng wage system na maiangat ang estado ng kabuhayan ng mga driver at konduktor at protektahan ang kapakanan ng mga commuter.
Layon din ng pagpapairal ng fixed income na maiwasan ang kompetisyon at karera sa kalsada ng mga bus driver. TERESA TAVARES
Comments are closed.