FIXED SALARY SA BUS DRIVERS

BUS DRIVER

INIREKOMENDA ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na tuluyan nang ipatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order 11- 82 para sa fixed salary ng mga bus driver, gayundin ng mga konduktor.

Paliwanag ni Sarmiento, kung magkakaroon ng tamang kompensasyon ang mga bus driver ay maiiwasan ang kumpetensiya sa pagitan ng mga ito sa pagkuha ng ma­raming pasahero at ang pagtambay nang matagal ng bus sa EDSA.

Sa kasalukuyan, aniya, ay boundary basis pa rin ang mga bus driver at kung pagkakalooban ng regular na sahod ang mga driver ay tiyak na mabibigyan na ng magandang serbisyo ang publiko.

Hiniling din ng kongresista na i-mo­dernisa ang fare system ng mga bus sa  Metro Manila sa pamamagitan ng e-card system.

Ang paggamit ng e-card system sa bus ay bahagi pa rin ng one-year road map na binubuo ng komite.

Layunin ng e-card system na maging maayos ang revenue collection ng bus companies at bawas-oras din sa pangongolekta ng bayad sa mga pasahero.

Para naman hindi na gumastos ang mga commuter sa e-card system, iminungkahi ni Sarmiento ang paggamit sa National ID system kung saan gagawin itong machine-readable electronic cards.  CONDE BATAC

Comments are closed.