FIXED TERM SA AFP HINILING NA AMYENDAHAN

HINDI pa man ganap na pinaiiral ang RA 11790 ay inirerekomenda na ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. sa Senado na alisin na sa nasabing batas, ang “fixed terms” ng mga pangunahing opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinag-ugatan umano ng pagkadismaya ng ilang opisyal.

Ayon kay Sec. Galvez, iminumungkahi niya ito sa Senado na nagbabalak na amyendahan ang Republic Act 11709 o ang Act Strengthening Professionalism sa AFP na nagpahayag naman ng suporta sa kanilang rekomendasyon.

Naniniwala ang kalihim na sakaling tanggapin ng Senado ang kanilang rekomendasyon ay magiging “flexible” at hindi absolute ang career management ng top officers ng AFP.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado kamakailan ay inihayag ng defense secretary na ang three year fixed term ay maaaring humantong sa pagtigil sa yugto ng promosyon sa AFP at demoralisasyon sa mga opisyal ng militar na maapektuhan ang kanilang military career.

Ang RA 11709, na nagbibigay ng tatlong taong nakatakdang termino para sa mga pangunahing opisyal ng AFP na sinasabing ugat ng pagtatampo ng ilang opisyal ng Hukbong Sandatahan.

Subalit nilinaw ni Sec Galvez na natugunan na ang isyu hinggil dito matapos na lagdaan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang halos lahat ng nakabinbing promotions sa Sandatahang lakas bago nagtungo sa Davos, Switzerland.

“May mga pending designations and we are very happy that the President before going to Davos signed almost all the papers… more or less 26 key officers, including 3 lieutenant generals and also more or less 6 major generals and 17 general officers.

Sa amin talaga, very unprecedented ‘yun and we really thank the Board of Generals, headed by Gen. Faustino, for their very diligent evaluation and he submitted it on time,” ani Galvez.

“Sa ngayon, nakita namin na high morale na ang AFP nang makipag-usap ang kalihim sa mga mamamahayag kahapon.

“I think we have already resolved this, kaya ngayon ang ating secretariat ng Board of Generals, they are now looking forward na ang ensuing vacancies now ay ma-resolve na rin.”

Ang Republic Act No. 11709 ay nagkakaloob ng 3-year fixed term para sa key military officials, kabilang dito ang chief of staff, vice chief of staff, deputy chief of staff, unified command commanders at inspector general “unless sooner terminated by the President.”

Magugunitang inamin ni Galvez sa Senate hearing na may nagaganap na “rumblings” sa hanay ng military dahil sa “unintended consequences” ng nasabing batas na maari makapigil sa pag-angat o promotion ng ilang opisyal. VERLIN RUIZ