NAGBABALA ang Quezon City government sa mga namemeke ng mga dokumento para makakuha ng Identification card o ID ng persons with disability (PWD), kasunod ng pagkakaaresto sa isang umanong fixer nito.
Nahuli ng Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO), kasama ang City Legal Department at Quezon City Police District (QCPD) ang isang indibidwal na umano’y namemeke ng mga dokumento na isang paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code.
Nagsumite umano ang fixer ng mga manufactured medical certificates sa QCE-Services Portal para sa ilang indibidwal na nag-a-apply para sa PWD ID na sinasabing may Diabetes Mellitus at Dyslipidemia.
Nang alamin ng PDAO personnel sa mga doktor na nagsagawa ng medical assessment para sa mga kahina-hinalang pasyente, nadiskubreng ang mga pangalang lumabas sa mga sertipiko ay wala sa kanilang database.
“The city government has been strict in assessing and processing all PWD ID applications to prevent this kind of false representations. Hindi natin papayagan ang ganitong klaseng gawain sa ating lungsod na makakaapekto sa kapakanan at karapatan ng ating mga mamamayan lalo na ‘yung mga nabibilang sa vulnerable sectors tulad ng PWDs,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
Naglabas na ng resolusyon ang City Prosecutor sa mga reklamong inihain ng QCPDAO laban sa fixer, kabilang ang paglabag sa City Ordinance 1656-2006 at Article 172 Paragraph 3 ng Revised Penal Code laban sa paggamit ng mga pekeng dokumento na may piyansang aabot sa P18,000.
“Fully online na ang ating mga serbisyo, mula sa ID registration, business permit processes, at social services applications. Patuloy nating inaayos at pinapadali ang mga ito para maiwasan na ang mga fixer o middleman na mapagsamantala,” dagdag pa ng alkalde. EVELYN GARCIA