(Fixers nagkalat sa vaccination sites) ISKEDYUL NG BAKUNA GINAWANG NEGOSYO

NABUNYAG ang bagong modus ope­randi ngayon ng mga fixer na hinihinalang nagmamanman sa mga CO­VID-19 vaccination sites na dinadagsa ng mga nais na mag pabakuna.

Dahilan kaya inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Ge­neral Guillermo Eleazar ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na silipin ang iligal na operasyon ng mga “fixer” na naniningil para sa mas maagang iskedyul ng mga taong gusto nang magpabakuna.

Napag-alaman na nagbaba ng direktiba si Eleazar kasunod ng ginawang pagbubunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na may dalawang fixer ang nahuling naniningil kapalit ng mas maagang iskedyul ng bakuna kontra COVID 19 sa kanilang lungsod.

“I am directing the CIDG to investigate this scheme of vaccination schedule fixers in the different local go­vernment units.

Maaaring hindi lang sa Pasig nangyayari ang ganitong modus at dapat ay matuldukan agad ito. We will closely coordinate with our LGUs to prevent the proliferation of this modus,”diin ni Eleazar.

Aniya,sa kabila ng pandemya, talagang hindi mawawala ang mga taong mapagsamantala at pagkakakitaan pa ang kagustuhan ng mga tao na agad na mabakunahan.

“Mga walang kaluluwa ang mga taong gumagawa ng ganito na alam namang libre at talagang kailangang-kailangan ng ating mga kababayan ang bakuna kontra COVID-19 ay nagagawa pa pagkaperahan,”anang PNP chief.

Dagdag pa niya, “Tubuan naman sana ng kunsiyensiya ang mga fixers na ito at maawa sa ating mga kababayan. Marami ang nagnanais magpabakuna pero nararapat pa din sundin natin ang priority list sa pagpapabakuna. May dahilan po kung bakit sila priority sa listahan,”

Kaya’t panawagan nito sa publiko,huwag kumagat at magpaloko sa ganitong modus dahil sa libre ang buong proseso ng pagpapabakuna, kung saan kailangan lang hintayin ang schedule o ‘di kaya ay pumila sa mga vaccination center ng mga LGU na bukas sa mga walk-in.

“Tandaan natin na walang manloloko kung walang magpapaloko.” paalala ni Eleazar.

Gayundin,hinikayat ng PNP Chief ang publiko na agad idulog sa mga awtoridad o sa iba’t ibang E-Sumbong platforms ang anumang impormasyon ukol sa iligal na pagsasaayos ng iskedyul sa bakunahan. VERLIN RUIZ

6 thoughts on “(Fixers nagkalat sa vaccination sites) ISKEDYUL NG BAKUNA GINAWANG NEGOSYO”

Comments are closed.