BINALAAN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga fixer at iba pang mga gumagawa ng ilegal sa lungsod na magbalot-balot na dahil kulungan ang kanilang hahantungan oras na mahuli.
“Sa tulong ng Quezon City Police District (QCPD), liliit lang ang inyong mundo at siguradong babagsak kayo sa kulungan,” diin ng alkalde.
Ito ang naging reaksiyon ng alkalde matapos na maaresto ng QCPD ang siyam na suspek ng pangingikil at nagpakilalang mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay QCPD Director PBGEN Danilo Macerin, ang mga suspek ay nahuli sa entrapment operation na isinagawa ng Crime Investigation Section (CIS) kasunod ng reklamo ng isang kontratista na kinilalang si Augusto Caesar Foronda.
Ang isa sa mga nadakip ay kinilalang si Merlito De Luna na nagyabang na maaari niyang mapadali ang anumang kontrata ng gobyerno partikular sa Quezon City nang hindi na dumadaan sa proseso ng bidding dahil mga empleyado sila ng pamahalaang lokal ng lungsod.
Nabatid na humingi ang mga suspek ng P5.3 milyon mula sa biktima kapalit ng kontratang may kinalaman sa imprastraktura.
Sumang-ayon ang biktima na lingid sa mga suspek ay humingi ito ng tulong sa QCPD at nagsagawa ng entrapment operation na humantong sa pag-aresto sa mga ito.
Dahil dito, nanawagan ang alkalde sa mga residente partikular ang mga negosyante na huwag lumapit sa mga fixer kaugnay sa bidding process para sa iba`t ibang mga proyekto sa lungsod o kapag nag-aaplay para sa mga permit at iba pang mga lisensiya. EVELYN GARCIA
Comments are closed.